Quantcast
Channel: I S A N G T A M B A Y
Viewing all 25 articles
Browse latest View live

MOUSE GAME

$
0
0


open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Matagal akong nakatitig sa aking monitor. 


open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Wala... wala akong magawa sa kabila ng madami akong dapat gawin. Ewan ko, windang ang aking utak. Samut saring mga bagay ang pumapasok sa aking isip. Bahay, trabaho, blog, entry at kung ano ano pa.

Nitong mga nagdaang araw lamang ni hindi ko namalayan ang takbo ng oras. Ni hindi ako nakaramdam ng gutom sa aking pagkakaupo dito sa upuan dahil na din sa aking kagustuhang matapos ko agad ang nakaatas sa aking tungkulin. Magkanduduling man sa pagtingin ng mga numerong mistulang langgam na sa aking paningin, nagtatakbuhan at hindi ko alam pigilan. Pilit kong hinuli upang umabot sa takdang oras ang mga dokumentong kailangan kong maipasa. at sa bandang huli, hindi rin naman umabot... Nakakainis lang...

Ngayon tapos ko na gawin ang aking nakatakdang tungkulin, kailangan ko naman harapin ang nagtambak na dokumentong sa aking mesa ay nakapatong.


open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Nakakatamad kumilos, Nakakaantok ang sikat ng araw sa labas. Tumingin ako sa aking relo.. mga isang minuto ko din tinitigan ang bawat paggalaw ng pinakamapayat na kamay. at pagkatapos, aking tinitigan ang relong nasa may pintuan ng aming opisina. Ganon din, isang minuto kong tintigan ang bawat galaw ng segundo.

Naiintindihan ko na. Sa aking pagmamasid sa bawat kamay ng aking relo, hindi naman nagbabago ang bilis ng kanyang pagikot. Mula pa noon hanggang ngayon, hindi bumabagal at hindi naman bumubilis.  Ang takbo ng buhay ng tao, yan ang bumibilis at yan din ang bumabagal. Kadalasan ko lang napapansin ang aking orasan sa sandaling tulad nito na hindi ko mahagilap ang aking isipan. Naiisip ko tuloy na mabagal ang takbo ng oras. Pero mali, wala lang ako magawa o tinatamad akong gumawa. Kabaligtaran nitong mga nagdaang araw na parang mauubusan ako ng oras. Pero mali, mabilis lang ang takbo ng aking buhay.

Hindi mauubos ang panahon subalit maaring may nasasayang na pagkakataon.

refresh.. refresh... open file... open file... open file...


 

workmode :)



TUNAY NA KALIGAYAHAN

$
0
0


Wala akong muwang sa mundo, simple akong namumuhay kasama ng aking mga pangarap gamit ang sandatang panulat at pananggalang na papel. Kaakibat ng aking pakikidigma sa karunungan ang  pagtahak sa mapanganib na landas na araw araw kong dinadaanan. Hanggang sa ako'y magtagumpay. Nakamit ang pangarap na matapos ang aking sinimulan na digmaan.

Hindi ko inaasahan na sa aking paglalakabay, isang rosas ang sa akin ay pumukaw. Nabighani ako sa kanyang kagandahan, kagandahang ibinibigay sa kapaligiran at tila nang-aakit na sya'y aking lapitan. Nagsusumamong sya'y aking hawakan at pitasin sa kanyang kinalalagayan. Hindi ko napigilan ang aking sarili, sa araw araw na sya'y aking nadadaanan, lumapit ako sa kanya at sya'y aking kinuha.. Masakit, napakasakit sa kamay ng mga tinik ng kanyang tangkay. Tumitibo sa aking mga palad na nakakapit sa rosas. Subalit gaano pa man kasakit, pinili kong siya'y hawakan ng aking buhay.

Naging langit ang aking kinaroroonan, nagbunga ng mga anghel na s'yang nagbigay katuturan sa aking paglalakbay. Mga anghel na aking minahal at inalagaan.  Pero hindi rin nagtagal, ang rosas na aking hinawakan ay pilit ng kumakawala. Ang kanyang mga tinik ay tila patalim na sumusugat sa aking puso. Hanggang sa hindi ko na makayanan ang pagdaloy ng dugo. Binitawan ko na ang rosas na nagbigay ng langit sa akin. Langit na unti unting nagiging impyerno dahil sa tinik ng rosas na aking hawak. Mistula akong kandila na nagbibigay ng liwanag sa aming tahanan. Kandilang aandap andap ang liwanag at unti unti unting nauupos.

Ipinasya kong lisanin ang langit kung saan naroon ang aking mga anghel. Naglakabay ng matagal sa kalawakan ng daan. Pilit iwinawaglit ang isip sa mga pangyayaring mapait sa aking buhay. Hinahanap ang tunay na kasiyahan ng aking puso. Muli, isang rosas ang sa aking mga mata'y tumawag ng pansin. Hindi ko na naman  mapigilan ang aking sarili na sya'y lapitan at kuhanin. Nabighani na naman ako sa angkin nyang kagandahan at pikit mata kong sinunod ang aking damdamin. Tiniis ko ang sakit  na dulot ng mg tinik dahil sa ito'y aking kagustuhan. At muli, naradaman ko na naman ang kasiyahang matagal ng nawalala sa akin. Subalit.. subalit ito pala ay panandalian. HIndi ko na matiis ang tinik na nakatusok sa aking aking mga palad. Tinatalo ng sakit dulot ng tinik ang kasiyahang aking nararamdaman, hanggang sa hindi ko na kaya. Binatawan ko ang rosas na unti unting nalalanta. Hinayaang tangayin ng hangin ang natutuyong talutot nito kasabay ng pag-agos ng aking mga luhang hindi naman karapatdapat sa kanya.

Ngayon naglalakabay na naman ako sa kahabaan ng daan na hindi ko alam ang patutunguhan, minsan napadako sa hardin na puno ng matitinik na rosas. Mga rosas na nagbibigay ng kagandahan ng paligid pero hindi na ko magpapalinlang. Sapat na ang dalawang beses kong pagkasugat sa kanilang mga tinik. Pero parang may mali, hindi ko man sila kuhanin o lapitan subalit ako'y nasasaktan. Para bang ang kanilang mga tinik ay sumasama sa hangin na syang tumatama sa akin. Kakaibang sakit ang dulot nito kumpara sa aking naranasan. Ang mga rosas, kumakaway sa akin pero batid kong sila'y nagbabaitbaitan lamang.  Bakit nga ba ako nasa loob ng hardin na ito? Gusto kong lumabas.. ayaw ko na dito. Gusto ko ng bigyan ng laya ang aking isip at damdamin na mistulang ikiunukulong ng aking sarili na lalo pang kinakandaduhan ng hardin na itong aking nasumpungan.

Pansamantala akong nakalabas, nakalaya sa matitinik na rosas ng hardin na iyon, pansamantala dahil alam kong akoy babalik din  upang pawiin ang sakit na aking naramdaman doon. Patuloy ako sa paglakad, walang katapusang paglalakabay hanggang sa marating ang dulo ng daan. Isang napakalaking bahay pala ang nandito. Nagliliwanag na ilaw ang sa loob ay aking nabungaran. Sinuri kong mabuti ang bawat sulok ng kabahayan. Wala.. wala dito ang aking hinahanap. Wala dito ang aking kasiyahan at kapanatagan na hinahanap. Napakalaking bahay, sobrang liwanag ang dulot ng nagiisang ilaw sa may kaitaasan subalit huwad ang ligayang idinudulot sa sinumang pumasok dito.

Lumabas na ko ng bahay na iyon at sa hindi kalayuan ay nakatayo ang isang bahay kubo. Malakas ang hatak sa akin, ramdam ko ang nag-uumapaw na kaligayahan sa aking puso. Ito na siguro, ito na ang aking hinahanap. May pananabik kong pinasok ang bahay  na iyon at umaasang dito ko na matatagpuan. Sa loob, wala ni sang gamit kundi mesa lamang na pinagpapatungan ng isang kandila. Isang kandilang nagbibigay liwanag sa buong kabahayan. Aandap andap na liwanag na tila nagsasayaw sa saliw ng musika na dulot ng pag-ihip ng hangin. Hindi pala ako nag iisa, mula sa isang silid, lumabas ang talong anghel na nagpalibot sa mesa. Pinalibutan ang kandila upang hindi mamatay ang liwanag.

Dumaloy sa aking mga mata ang mainit at masaganang luha. Luha ng kasiyahan sa kadahilanang matagal ko na palang nasumpungan ang aking tunay na kaligayahan. Binulag lamang pala ako ng mga pangyayaring sa akin ay nagsamantala. Sa tagal ng aking paglalakbay para makita ang tunay na kaligayahan at kapanatagan ng damdamin  ay siyang tagal din pala ng aking  pagkalimot para sa aking sarili. Babalik na ako, ito na ang dulo ng daan. Tapos na ang aking paglalakabay.





*** Para sa'yo, alagaan mong mabuti ang iyong mga Anghel,  higit sa ano pa man,sila lang ang makakapagbigay sayo ng tunay na kasiyahan para sa iyong sarili. 










LARAWAN

$
0
0
*** Ang sumusunod pong kwento ay  entry para sa TKJ April issue. Ito po ay kathang isip lang ng may akda, anumang pagkakahawig ng pangalan, lugar at pangyayari sa tunay na buhay ay hindi sinasadya. Maraming salamat po




Maaga akong nagising ng araw na ito, ginising ko na din si Junjun. Magsisimba muna kami bago kami dumiretso sa aming pupuntahan. Nagdala na din ako ng aming pagkain, doon kami mananghalian. Pagkatapos ng misa, dumaan muna kami sa bilihan ng bulaklak. Bumili lang kami ng ilang bulaklak at dumiretso na. Mahaba haba din ang biyahe pauwi ng probinsya. Pagdating namin doon, inilatag ko ang dalang carpet upang aming upuan at gamitin na rin na hahainan ng dala naming pagkain. Nagpaalam sa akin si Junjun na may bibilhin lang sa labasan. Hawak ang bulaklak sa aking mga kamay, nakatitig ako sa aking dalang larawan at sa pangalang nakaukit sa pinagpatungan. Raymond Descallar... Unti unti bumalik sa akin ang alaala.


 ----------


" Mon, wala ka bang balak mag abroad? Wala ka bang pangarap para sa anak mo?"

"Bakit mo natanong yan? Syempre naman gusto kong magkaraon ng magandang kinabukasan ang anak natin."

"Gusto kong magtrabaho sa abroad, tingnan mo ang kumare natin, ang gaganda na ng bahay. Sa tuwing magkikita kita kami, naggagandahan ang kanilang suot na alahas.. kumustahan sa buhay, samantalang ako puro fancy lang ang nasusuot."

"Bakit mag aabroad ka pa? Hindi ko naman kayo ginugutom ng anak mo. Sapat naman ang aking kinikita, may naitatabi din naman tayo kahit papano. Wag kang managhili sa mga kumare natin. Ang importante ay sama sama tayo. Pasasaan ba't magkakaron din tayo ng magandang bahay at sasakyan, konting tiis lang Hon."


Isang gabi yon ng pag-uusap namin, lingid sa kaalaman ni Raymond na aking asawa, may apply na ko sa America, ini-refer ako ng isang kumare sa isang kumpanya na gumagawa ng damit doon. Isang buwan na lang at malapit na akong lumipad subalit hindi ko pa din nabanggit sa aking asawa ang tungkol dito. Panigurado kasing hindi siya papayag.

Nasanay na akong bumangon ng maaga upang asikasuhin ang pagkain ng aking mag-ama sa pagpasok sa eskuwela at sa opisina. Pasado 7:30 na ng umaga noon at naihatid ko na din si Junjun sa eskwela, malapit lang naman kaya ako na mismo ang naghahatid. Dumating ako sa bahay na ni hindi pa nagagalaw ang hain ko sa lamesa. Sa kwarto nandun pa si Raymond, nakapikit pero wari ko naman ay gising.

"Hindi ka ba papasok ngayon?"

"Hindi muna, masakit ang ulo ko eh. Tatawag na lang ako sa opisina."

"Ayan ka na naman, sinumpong ka na naman ng katamaran, lagi mo na lang idinadahilan ang migrain mo, pano ka ba aasenso nyan?"


Tumahimik na lang si Raymond. Sinamantala ko naman ang pagkakataong 'yun at binanggit ko ang malapit ko ng pag alis patungong America. Hindi napigilan ng asawa ko ang umiyak, dahil don nakaramdam ako ng awa. Pero wala syang nagawa sa aking kagustuhan. Mula ng umagang 'yun, parang nagkaron ng pader sa pagitan naming dalawa.

Huling gabi bago ako lumipad tungong America, pagkatpos ko patulugin si Junjun, nadatnan ko si Raymond sa kwarto na hawak ang kanyang ulo, tahimik na nakahigang nakatalikod sa akin. Alam kong tahimik syang lumuluha, kita ang bawat galaw ng balikat sa paghikbi. Hindi ko na tinangka pa syang kausapin. Kinabukasan, hindi ko pinapasok sa eskwela sa Junjun. Maaga ang aking flight non. Nakapaghanda na ko ng gamit ng pagbalik ko sa kwarto, dumadaing ng sakit ng ulo ang aking asawa.

"Aalis na ko Mon, kaw na ang bahala kay Junjun"

"Hindi ba talaga magbabago ang isip mo Hon? Baka naman pede ipagpaliban mo muna, paano na ko? itong sakit ko? Hon, wag ka nang umalis hayaan mo namang makasama pa kita habang buhay pa ko, may ca....."

"Wag mo kong daanin sa drama, iniintindi mo ang sakit mo, migrain lang yan.. ang layo nyan sa bituka.. hindi mo ikamamatay yan.. hinding hindi mo ko mapipigil, para din naman sa kinabukasan ito ni Junjun. Malaki ang pangarap ko sa kanya... Hindi na ko papahatid sayo, alam ko sinusumpong ka na naman ng katamaran... ingatan mo si Junjun... alagaan mong mabuti"


Umalis akong may samaan kami ng loob ni Raymond. Pero alam kong maiintindihan din naman nya ang lahat. Hindi sapat ang makuntento lang kami sa sinasahod nya. May mga pangarap din naman ako para sa aking sarili. At ito na ang katuparan, ang mabili ang lahat ng aking nais. Ang mapantayan ang yaman ng aking mga kumare.

Dalawang taon... dalawang taon ako namalagi dito sa America, madalang din ako makatawag sa amin, at kadalasan ang anak ko pa ang aking nakakausap. Minsang makausap ko si Raymond, hinihiling nyang palagi na ako'y umuwi na. Palagi daw akong hinahanap ni Junjun. Minsan, hindi ko inaasahan ang tawag na galing sa Pilipinas. Ibinigay sa aking ng sekretarya ang telepono...

"Hello"

"Hello mama"

"Oh Junjun, musta ka na? Bakit ka napatawag? Naku pasensya ka na anak at busy ang mama mo ha, musta ang school mo?"

"Ma, ok naman po, tinawagan kita kasi si Papa eh."

"Oh anong nangyari?"

"Palaging masakit ang ulo nya, nung isang gabi sumisigaw, ikaw ang hinahanap.. natatakot nga ko Ma eh."

"Naku, di ka na nasanay dyan sa Papa mo, siguro pinatawag ka lang ng Papa mo para lang sabihin sakin yan no? Yaan mo Junjun, isang taon na lang, uuwi na ko, at pag uwi ko hindi na ko babalik dito. Magsasama na tayo ng Papa mo, teka asan ang papa mo?"

"Ganon po ba? Nasa kwarto po, natutulog."

"Hay, sinumpong na naman ng katamaran ang Papa mo."


Dahil na din sa sobrang busy ko dito sa America, hindi ko namalayan ang pag takbo ng oras. Sa loob pa ng isang taon, malaki laki na din ang naipundar ko. Kahit na abutin pa ng pagtanda si Junjun, hindi na mauubos ito. Tatlong taon dito sa America, tatlong taong puro pagpapayaman ang aking nasa isip.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, habang nakatungo akong naglalakad, nabundol ko ang isang babaeng busy din naman sa paghahalungkat sa bag habang naglalakad, nabitawan ko ang mga dala kong papeles at iba pang gamit..

"Ohh, Im sorry miss."

"It's ok"  ang medyo nakasimangot kong tugon.

"Heidi? Heidi Descallar?"


Napatingin ako sa nagsasalita, ang aking nakabangga, bakit alam ang aking panagalan.

"It's me, Anna, ung kapitbahay mo sa atin..."

Si Ana, ang aming kapitbahay na madalas ko din makakwentuhan noon. Bibihira ang pagkakataong meron akong masalubong na kakilala dito. Mabuti at hindi naman s'ya busy kaya inaya ko munang mag snack at nang makakwentuhan. Hayy namiss ko ang ganito sa amin.

Madami kaming napagkwentuhan, mga pangyayari sa Pilipinas at sa buhay buhay. Medyo matagal na din pala siya dito. Almost 1 1/2 year na din, anim na buwan ang nakalipas mula ng sya'y umuwi sa Pilipinas.

"Si Raymond talaga, ni hindi man lang nabanggit na nandito ka pala."

"Ay oo nga pala Heids, musta na ang mister mo? Hmm sensya na ha, sana naman eh gumaling na s'ya..."

"Ha? bakit naman? Eh migrain lang naman ang sakit nya no... Hihihi."

"Ha, ibig sabihin eh hindi mo alam.. teka naguguluhan ako sayo, eh nung umuwi kasi ako last year, mga 6 months na yata yun. Isang umaga na habang papasok yata si Junjun, eh bigla na lang natumba si Raymond hawak ang ulo nya.. sumisigaw pa nga sa sakit eh. Then dinala namin sa ospital ni mister, si Junjun eh dun muna sa bahay. Sabi sa amin ng doctor, mabuti daw at nadala agad... Nagkataon naman na iyon din pala ang doctor nya na tumitingin sa kanya. Ayaw pang sabihin sa amin ng doctor dahil iyon daw ang bilin sa kanya ni Raymond. Heidz... May brain cancer ang mister mo. Three years na nyang nilalabanan ang sakit na yon. Sabi ng Doctor nya, nasa stage 3 na yung Cancer nya."


Tila binagsakan ako ng langit at lupa ng marinig ko iyon, nagdilim ang aking paningin. Nagising na lang ako sa isang pribadong clinic na malapit sa lugar na iyon. Umuwi ako sa bahay at pinlano ang lahat ng gagawin. Kinabukasan, maaga akong dumating sa opisina upang magfile ng resignation. Hindi pa ko nakakapasok sa aking opisina ng ibigay sa akin ng sekretarya ang telepono, galing daw sa Pilipinas ang tawag. Nangangatal ang aking kamay na inabot ang telepno..

"Hello?"

"Mama, si Papa."

"Anak ko, Junjun, anong nangyari? Uuwi na si Mama."

"Si Papa, nasa hospital dinala ng mga kapitbahay kanina."

"Oh my God.. Anak, uuwi na si Mama, bukas nanjan na ko."

"Dalian mo Mama, natatakot ako."

 
Sinabi ko sa aking boss ang pangyayari kaya agad nya din akong pinayagan. Sa tulong na din ng aking boss, nakakuha ako ng ticket. Kinabukasan, lumipad na din ako pauwi sa aking pamilya.

Matagal ng nakahinto ang aking sinasakyang taxi sa tapat ng bahay ngunit tila wala akong lakas upang buksan ang pinto. Pinagmasdan ko ang buong kabahayan... Nakabukas lahat ng ilaw, maliwanag ang kapaligiran. Bumaba ang driver at syang nagbukas ng pintuan... ngunit hindi ko naman maihakbang ang aking mga paa. Huminga ako ng malalim, kumuha ng lakas ng loob sa pagharap sa maaring katotohanan.

Unti unting lumalaki ang pintuan ng bahay sa aking paglapit, lumalabas ang liwanag ng nagmumula sa loob ng bahay. Mga mata ng tao na sa akin ay nakatingin. Ni hindi ko mawari kung awa, pagtataka o galit ang sa kanilang mata ay makikita. Wala akong pakialam noon. Unti unti ang puting kahon ang nasisilayan... puting kahon na nagsasabi sa akin ng katotohanan, ng katotohanang sa loob ng tatlong taon ay hindi ko nakita. Hanggang sa tumabad sa akin ang kabuuan, at ang pagdilim na aking paningin.

Malakas ang ulan, ipinasya kong magpaiwan sa harap ng puntod ng aking asawa. Sa aking tabi ay si Junjun na tahimik ding umiiyak. Sa ilang araw din nakaburol si Raymnond ngayon ko lang narinig ang boses ni Junjun.

"Ma, natatakot ako.. sa mga gabi na sumisigaw si Papa hawak ang kanyang ulo, ikaw ang hinahanap nya. Ma, bakit ganon? Ang sakit Mama, gusto ko s'yang tulungan pero wala naman akong magawa. Tapos isinasara lang nya ang pintuan pero naririnig ko pa din ang sigaw nya. Bakit hindi ka dumating noong hinahanap ka nya? Bakit mo sya pinabayaan?"


"Junjun anak, patawad sa inyo."

"Pero Ma, alam ko naman na nasa langit na si Papa. Masaya na sya dun."


Sobrang sakit ng aking pakiramdam sa mga sinabi ni Junjun, bawat kataga'y tumutusok sa aking puso. Bawat himaymay ng aking laman ay nangangatal, hilam ang mga matang sinasabayan ng malakas na buhos ng ulan. Sobra ang aking pagsisisi, tatlong taon akong binulag ng aking pangarap, tatlong taon na puro material na bagay ang nasa isipan. Pinaniwala ang sariling ito ang makapagbibigay ng saya para sa aming pagsasama. Sa loob ng tatlong taong iyon, hirap at pasakit ang dinaranas ng aking mag ama. Ako sana ang karamay sa mga oras ng paghihirap ni Raymond. Hindi sana nasaksihan ni Junjun ang pagdurusa na iyon. Walang silbi ang aking ipinadadala. Hungkag ang kasiyahan sa kanila. Inaalipin ako ng panghihinayang, ng sakit, ng takot.



----------



"Ma, anong nagyari sayo, bakit ka umiiyak?"

"Ha ah eh naalala ko lang ang Papa mo."

"Ma, 5 years na din ang lumipas, maging masaya ka dapat, kaarawan ngayon ni Papa, kasama natin sya ngayon."

"Salamat Junjun... Ikaw na lang ang natitira kong kasiyahan."

"Husss... drama ni Mama, tara na let's eat.."

Muli akong sumulyap sa larawan. Larawang aking pinakaiingatan. Ang humahawak ng isang pangako.

"Mon, Hinding hindi kita papalitan sa puso ko. Happy birthday sayo. Mahal na mahal kita"






 

SA PAGSAPIT NG DILIM

$
0
0



Napilitan akong umalis sa aming lugar dahil na din sa hirap ng buhay. Bitbit ang ilang gamit at ang kaunting naipon, sumakay ako ng isang bangka na magtatawid sa akin sa kabilang pampang galing sa aming Isla. Ilang sakay pa ako bago ko narating ang terminal ng bus papunta sa aking destinasyon. Ang lugar na matagal ko ng gustong marating, ang lugar na laging laman ng usapan sa amin. Ang lugar kung saan ako makikipagsapalaran.

Sandali lang at paalis na ang bus na aking sinasakyan, dahil sa haba ng byahe, hikab at pagkaduling ang aking nararamdaman. Dala na din siguro ng pagod, agad din ako naidlip sa loob ng sasakyan. Tapik sa aking balikat ang gumising sa akin. Ang konduktor pala ng bus, ako na lang pala ang natitirang pasahero at nakatigil na din sa terminal ang sasakyan. Dali din akong bumaba, paglabas ko ng terminal.. madilim na pala ang kalangitan.

Madilim ang kapaligiran, tila ba walang kuryente.. ang tanong sa aking isipan, ito na ba iyon, dito ba ako makikipagsapalaran? Bakit ang daming punong naglalakihan? Bakit walang ilaw, liwanag lamang na galing sa alitaptap ang aking nakikita. Sa aking paglalakad, may nasalubong akong isang mama, kaagad kong nilapitan at akoy nagtanong.

"Magandang gabi po manong, anong oras na po kaya?"

"Oras na para ako'y kumain" ang sagot ng mama sabay labas ng mahabang pangil.

Agad akong kumaripas ng takbo, ramdam ko ang paghagad sa akin ng nilalang na iyon, sa isip ko, nasaang lugar ako, anong klaseng nilalang iyon? bakit anyo syang tao?.. Mahaba haba na din ang aking natakbo, sa aking paglingon wala ng humahabol sa akin. Ipinasya kong tumigil at magpahinga. Hawak ang tuhod at habol ang paghinga ng may mapansin akong dalawang babae naglalakad patungo sa akin. Kinakabahan akong tumayo ng tuwid.

"Mga ate, magtatanong lang po ako.. anong lugar po ba ito?"

"Hindi ka tagadito ano? hihihi, wala ka bang matutuluyan? sumama ka sa amin... hihihi..."
ang sagot ng dalawang babae.

Magtatanong pa sana ako ng biglang lumabas ang mahabang dila ng babae. Agad ulit akong kumaripas ng takbo. Hindi ko na inisip kung saan ako makakarating, sa daan habang tumatakbo, sari saring hayop ang aking nakikita. Lahat nakatingin sa akin na para akong kakainin. Hindi ko na nakayanan ang pagod at hirap, napasubsob ako sa lupa. Muli akong tumayo at luminga sa paligid. Wala na, wala ng humahabol sa akin. Sa ilalim ng isang puno, ipinasya kong magpahinga. Sa sobrang pagod ay agad din akong naidlip, hindi ko na naisip pa ang maaaring  mangyayari sa akin.

Sikat ng araw ang gumising sa akin. Umaga na pala, maliwanag na ang kapaligiran. Sa aking pagmamasid sa paligid, akoy nagtataka. Nagtataasan ang gusali, naglipana ang iba't ibang uri ng sasakyan. Madaming tao ang parito't paroon. Sa di kalayuan, napansin ko ang isang lalakeng kumakaripas ng takbo kasunod ang humahabol na pulis. Sa kabila naman, dalawang babaeng maigsi ang kausotan at nakakapit sa braso ng isang matandang lalaki, tila amerikano ang lalaking yun at papasok sa isang gusali.

Sa kabilang dulo ng daan, kita ko ang malaking orasan. Ito na nga, ito na ang lugar kung saan tutuparin ko ang aking mga pangarap. Minabuti kong lamnan ang aking kumakalam na sikmura. Sa isang kainan sa may tabi ng ilog ako napadpad. Sa aking pananghalian, iba't ibang boses ang aking naririnig, boses ng tatlong inang may kargang pinadedeng sanggol ang nagpapaligsahan sa pagkuwento ng buhay ng kanilang kapitbahay.  Ang iba nama'y boses ng mga batang naguunahan sa pamumulot ng bote at plastic sa di kalayuan. Ganon pa man, hindi pa din mawala sa aking isip ang mga pangyayari mula pa kagabi.

Lumipas ang maghapon, at sa aking paglalakbay iba't ibang tanawin ang aking namalas. Mukha ng karangyaan at hikahos ang aking nakita. Sa bawat sulok ng aking mata, nagpapakita ang anyo ng halimaw na humabol sa akin kagabi. Kagalang galang na halimaw sa kanyang pananamit. Naggagandahang halimaw na todo ang pustura. Tumingin ako sa langit, nagtatalo ang liwanag at dilim, hudyat lamang na malapit ng sumapit ang gabi.

Unti unti kong nauunawaan ang mga pangyayari, ang lugar na ito na hinahangaan ng mga nakatanaw lamang sa malayo. Pinapangarap na mapuntahan ng tulad kong naghahangad ng magandang kinabukasan, ang kanyang anyo pala ay isang kasinungalingan. Isang mapagbalat-kayo na lugar na mapang-akit sa paningin ng mga salat sa pinag-aralan.  Sa loob nito mismo ay mistulang gubat pala. Mababangis ang hayop at halimaw ang nakatira na handang lumapa ng laman ng isang tao. Tulad ng paglapa nila sa kanilang sistema.

Kailangan kong maging alerto at maghanda. Sasapit na naman ang gabi.








ANG PAGMAMAHAL NG ISANG INA

$
0
0
***Ang susunod pong maikling kwento ay kathang isip lamang ng may akda. Sinulat po ito bilang pag gunita sa araw ng Semana Santa. Ano mang pagkakahawig ng ng mga pangyayari sa tunay na buhay ay hindi sinasadya.



Malaki ang pagkamuhi ko sa aking kinalakihang lugar. Liblib kasi at malayo sa kabihasnan, tanging kuliglig lamang ang aking naririnig pag gabi. Nasa gitna kami ng kagubatan. Kasama kong naninirahan dito ang aking ina, sa katotohanan lamang katulad ng aking pagkamuhi sa lugar na ito, namumuhi din ako sa aking ina. Dahil sa itsura nyang parang halimaw, sunog ang kalahati ng mukha at talaga naman nakakatakot. Ang bawat batang kanyang masalubong ay sumisigaw ng  mayroong halimaw. Yan din ang malaking dahilan kung bakit ayaw ko sa lugar na ito.

Sabi ng aking ina, ako na lang daw ang kanyang kamag-anak na natitira. Hindi na daw nya kilala kung sino pa ang mga kamag-anak . Si murang isip ko noon, siguro iniwan na talaga kami ng mga kamag-anak ni ina dahil sa itsura nya. Ayaw masabi na may kamag-anak silang halimaw kaya ganon.  Dito umusbong ang aking unti unting pagkamuhi sa kanya. Sya ang nagdadala ng malas sa akin.

Pangongolekta ng basura ang hanapbuhay ng aking ina bukod pa sa pagtatanim ng iba't ibang gulay. S'yang mag isa ang nagtatrabaho para sa amin. Ganon pa man, sinikap nyang ako ay mapag-aral. Noong una, inihahatid pa nya ko sa gate ng eskwelahan bago dumeretso sa tambakan ng basura. Wala pa sa isip ko noon ang pagkamuhi sa kanya. Hindi ko alintana kung may makakita sa akin na kasama ko sya. Pero habang tumatagal, iba't iba ang aking naririnig na kwento ng aking mga kaklase sa akin. Kesyo anak daw ako ng halimaw, may lahi daw kaming halimaw. Dahil don, umpisa noon hindi na ko nagpahatid sa kanya sa eskwela. Sinabihan ko din ang aking ina na wag na wag pupunta sa aming paaralan.

Umuulan noon, hindi ko akalaing makikita ko sa labas ng paaralan ang aking ina na may dalang payong. Iiwas sana ko sa kanya subalit ako'y kanyang tinawag at dinig na dinig ng aking mga kaklase ang kanyang boses. Nagtakbuhan sila ng makalapit sya sa akin. "Anak ng halimaw, anak ng halimaw" ang boses ng ibang bata na na hindi umaalis sa aking tenga. Dali dali akong nagtatakbo pauwi, hindi ko pinansin si ina. Hinayaan ko ng mabasa ako ng ulan kesa makasabay sya pag-uwi.

"Inay, bakit ba ganyan ang itsura nyo? bakit ba kayo mukhang halimaw? bakit hindi na lang kayo mamatay." Aking nasabi sa kanya, dala na din ng pagkapahiya sa aking mga kaklse kaya lumabas ito sa akin.

Pinili ni ina na manahimik. Noong gabing iyon, lumabas ako ng kwarto upang kumuha ng tubig. Sa sulok ng mesa nakaupo sya't tahimik na  umiiyak. Nakikita ko pa ang mga luhang dumadaloy sa kanyang sunog na mukha. Alam kong nasaktan ko sya sa aking mga sinabi, may kirot sa aking puso ang makita syang ganon.  Noon din, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging tulad nya.

Nag-aral akong mabuti, nagkamit ng karangalan sa pagtatapos sa mataas na paaralan. Umalis ako sa aming bahay ng walang paalam at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Malaki ang naging epekto sa akin ng aking ina, iyon ang aking naging kasangkapan upang pagbutihin ang trabaho sa umaga at pag-aaral sa gabi . Mahabang panahon ang lumpias hangang sa dumating ang panahong ako ay nagtagumpay at naging isang Arkitekto. Nakabili ako ng magarang bahay sa isang subdivision, nakabili ng magarang sasakyan at nagkaasawa  at nagkaron ng isang anak. 

Hindi ko inaasahan ang pagkakataon, kakagaling lang namin magsimba ng aking pamilya.. Naglalaro ang aking anak sa hindi kalayuan sa amin habang kausap ko ang ibang kakilala nang narinig kong sumigaw ang aking anak at tatakbong lumapit sa akin. May halimaw daw na lumapit sa kanya. Agad kong nilapitan ang sinasabi ng aking anak, nabigla ako sa aking paglapit. Ang halimaw na sinasabi ay ang babaeng matagal ko ng hindi nakikita.

"Bakit ka nandito? Wag na wag kang lalapit sa anak ko, Hindi mo ba alam na tinatakot mo sya?, umalis ka dito, don ka nababagay sa gitna ng gubat?"

"Pasensya na amang, nagbabakasali lang po kasi ako na makita ko dito ang nawawala kong anak, umalis po ako sa gubat para lang sya ay aking makita."

"Ano, sa tingin mo ba ay magpapakita pa ang anak mo sa itsura mong yan?"

"Pasensya na po"

Ang usapan namin ng babaeng iyon. Laking pasasalamat ko at ako ay hindi nya nakilala. Ibinaon ko na sa limot ang lahat ng aking pinagdaanan. Ayaw ko ng iyon ay balikan pa.

Isang taon din ang lumipas matapos ang insidenteng iyon. Nakatanggap ako ng proyekto na malapit sa paaralan na dati kong pinasukan noon. Tila nanadya ang pagkakataon, ayaw ko sanang tanggapin pero gusto ko din makita ang aking mga naging kaklase at ipamukha sa kanila kung sino ang kinukutya nila noon.

Malapit ng matapos ang proyekto ng isang aksidente ang nangyari, hindi sinasadyang matrasan ang isang mixer truck ang patas ng hallowblocks na malapit sa akin. nagbagsakan ang hollowblocks sa akin at  hindi ko na namalayan ang mga pangyayari.

Nagising ako na maliwanag ang kapaligiran, bumungad sa akin ang mukha ng aking asawa.

"Anong nangyari sa akin hon?"

"Hon, mabuti at nagising ka na, salamat sa Diyos. Tatlong araw ka ng walang malay. Nagkaron ng aksidente sa site, nabagsakan ka ng hollowblocks na malapit sayong kinatatayuan."

"Natatandaan ko na ang lahat, salamat sa Diyos at ako'y ligtas."

"May nagligtas sayo Hon, utang natin sa kanya ang iyong buhay. Bago pa man bumagsak sayo ng mga bagay na yun, isang matandang babae ang mabilis na tumakbo papalapit sayo at yumakap. Sa kanya lahat tumama ang mga hollowblocks bago pa sayo. Nakakaawa ang matandang babae, kahit na ganon pa ang kanyang itsura, may dakila syang puso para iyon ay gawin"

"Nasaan ang matandang nagligtas sa akin"

"Namatay din sya noong araw na yun Hon. Pagdating ko dito, ipinagtanong ko kung saan sya nakatira. Pero ang sabi sa akin, ayaw daw ng kaibigan nyang ipaalam pa sa lahat lalo na sayo ang pangyayari."
 
"Anong pangalan ng babaeng yun Hon?"
Kinakabahan kong tanong sa aking asawa.

"HIndi ko alam pero Halimaw ang bansag sa kanya ng marami"


Bigla ang pamamanhid ng aking katawan sa aking narinig. Bigla ang lakas ng tibok ng aking puso na para akong aatakehin. HIndi ko alam ang aking sasabihin, sari saring damdamin ang aking nararamdaman. HIndi ako makapaniwala sa aking narinig. Lumuha ang aking mata ng hindi ko namamalayan.


Noong araw ding iyon, Ipasya kong puntahan ang aming tahanan noon. Tinahak kong muli ang landas pabalik sa aking nakaraan hanggang sa marating ko ang munting kubo na iyon. May kurot sa puso kong tinitigan ang kabuuan ng bahay. Ito ang aking naging tahanan, dito sa bahay na ito nabuo ang aking mga pangarap. Ito ang aking tinakasan. Isang matandang babae ang lumabas mula sa loob ng bahay, pero hindi ko sya kilala.

"Magandang hapon po amang, tila po yata kayo ay naliligaw"? ang tanong sakin ng matandang babae

"Ah eh manang, kayo po ba ang nakatira sa bahay na ito, ayon po sa aking narinig eh may isang..."


"Halimaw ba ang narinig mo sa kwentuhan sa bayan? Hindi na ko magtataka, pero kung sya nga po ang inyong tinutukoy, wala na po ang aking kaibigan, pumanaw na po sya may talong araw na ang nakakaraan. Kung hindi po ako nagkakamali, ikaw ang lalaking kanyang iniligtas, ikaw ang lalaking matagal na nyang hinihintay."

Tahimik lang ako tumungo tanda ng aking pagsang-ayon. Niyaya ako ng matandang babae sa likod bahay kung saan naroroon ang kanyang libingan. Isang puntod na may maliit na krus ang aking nakita. Nag-alay ako ng isang maikling panalangin sa kanya. Habang nakatitig ako sa puntod na iyon ay  nagkwento ang matandang babae.

"Alam mo amang, namatay syang ang tawag sa kanya ng mga tao ay halimaw. Pero hindi, ang kanyang damdamin at puso, daig pa sa kagandahan ang pinakamagandang Dyosa na iyong kilala. Matagal ko na sya kilala. Matalik kaming magkaibigan, Maliliit pa lang kami, kami na ang laging magkasama. Umalis kami sa aming lugar dahil na din sa kahirapan. Naghanap kami ng trabaho sa bayan ng lugar na ito hanggang sa matanggap kami bilang kasambahay ng isang mayamang pamilya. Matagal kaming nagsilbi sa aming amo. Araw ng linggo noon, araw iyon ng aming pahinga bilang kasambahay ng pagpasyahan naming kami ay mamasyal at noong hapon ng paguwi nadatnan naming nasusunog ang bahay ng aming amo. Sa kabila ng malakas na apoy,  lakas loob syang sumugod sa loob ng bahay upang iligtas ang aming amo. Wala akong nagawa para sya ay pigilan. Wala na kong pag asa na may mabuhuhay pa sa sunog na iyon. Pero lumabas sya na dala ang isang bata, iyon ang anak ng aming amo. Walang pinsala ni isa sa bata pero ang aking kaibigan, sunog na sunog ang kalahating bahagi ng mukha. Iyon ang dahilan kung bakit sunog ang kanyang mukha, at tinatawag syang halimaw."


"Hindi sya nagiisa dito amang. Wala kaming ibang kilalang kamag-anak ng aming pinaglilingkuran.Kinupkop namin ang bata, at noon habang sya ay nagpapagaling ng kanyang mga sugat, ipinasya kong maghanap ng trabaho. Natanggap ako bilang isang kasambahay muli sa bayan na iyon. Matagal tagal din ako hindi nakauwi sa kanilang dalawa. Noong pag uwi ko, wala na ko nadatnan sa aming inuupahan. Napakadakila ng puso nya, isang sulat ang iniwan nya sa akin. Ayaw nyang maging pabigat sila sa akin noon, umalis sya kasama ng bata. Matagal ko syang hinanap, nangangamba ako para sa kanila dahil na din sa kanyang itsura, panigurado kasing pandidirihan sya ng ibang makakakita sa kanya. Dito pala sya nagtago sa liblib na lugar na ito."
 
Mahabang pananahimik ang sa amin ay namagitan, hindi ko namalayan na unti unting dumaloy ang luha sa aking mga mata.

"Alam mo amang, tinuring nyang parang tunay na anak ang bata. Pinag-aral nya hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Palagi nya itong pinuntahan sa eskwela pag oras ng uwian, sinusundan nya hangang sa paguwi upang masiguro lamang ang kaligtasan ng itinuturing na anak. Pero umalis ang batang iyon. Matagal nya din hinanap ang bata, walang araw na hindi nya naisip ito.Hangang kanya muling makita, natuwa sya sapagkat malaki na ang ipinagbago ng kanyang itinuring na anak. Isa ng mayaman at matagumpay sa buhay. Natutuwa rin sya sapagkat nakita nya ang kanyang apo. May pamilya na pala ang kanyang itinuring na anak. Bumalik sya dito sa gubat na masaya. Noong panahong iyon, natagpuan ko na din sya dito."

Lumuluha ang matanda habang nagkukwento sa akin. Para namang nagsisikip ang aking dibdib sa aking naririnig.

"Sinubukan ko syang pakiusapan upang sumama sa akin at ng sya ay maipagamot. Noong mga panahong iyon kasi, malala na din ang kanyang kalagayan dahil sa sakit. Pero mariin ang kanyang pagtanggi. Ayaw nyang lisanin ang lugar na ito sapagkat alam daw nyang magbabalik ang kanyang anak. Alam mo amang, sobrang mahal na mahal nya ang tinuring na anak. Kahit hindi nya ito kadugo, pagmamahal pa ng isang tunay na ina ang kanyang ipinakita. Sa kabila ng kanyang itsura, kahit na sya's ituring na halimaw ng marami, hindi sya sumuko mabuhay lamang ang anak. Namulot ng basura, inalipusta ng mga tao, lahat ng panganib kanya ng sinuong para lamang sa pagmamahal nya sa kanyang anak."

"At noon nga, noong nabalitaan nyang nandito ang kanyang anak, araw araw syang nagpupunpunta sa pagawaang iyon. Nakatanaw sa malayo, nakita ko sa kanya ang tunay na kasiyahan. Saksi ako sa pagmamahal na walang katulad, sa pagmamahal ng isang halimaw na tinatawag ng marami, na iniaalay ang sariling buhay para lang sa kaligtasan ng nakalimot nyang anak. Amang, sinasabi ko ang lahat ng ito upang kahit paano ay maging malinis ang kanyang pagkatao sa iyong isip at damdamin. Batid ko ang pagkamuhi mo sa iyong nakaraan. Linisin mo na ang iyong puso, matagal ka na nyang pinatawad amang.  "

Luhaan akong nakayuko matapos kong marinig lahat ng kwento tungkol sa aking Ina. Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa kanya. Ako pala ang dahilan kung bakit sunog at mukha syang halimaw. Ako ang dahilan kung bakit nagtitiis sya sa dusa na ako pala ang may gawa.  At ako din ang dahilan ng kanyang pagpanaw. Ngayon ako naliwanagan, na walang ibang halimaw sa aming dalawa kundi ako. Ako na walang inisip kundi ang kamuhian sya. Ako ang halimaw na pumatay sa kanya.   Umalis ang matanda, Hinayaan nya kong mapagisa sa harap ng puntod na iyon. Sa puntod na aking ina, sa puntod ng  isang taong sa akin ay labis na nagmahal. Isang taong itinuring ko noon na halimaw,  halimaw na may busilak na puso at napakadakilang damdamin. 







ANG ROSAS AT ANG SAMPAGUITA

$
0
0


Bakasyon, abala ako sa pag pipili ng damong ligaw sa aming hardin ng ikaw ay dumating. Masaya kang bumati sa akin at pinuri ang aking mga tanim. Batid ko na sa likod ng kasiyahang iyan,may problema kang dinadala na nais mong ibahagi sa akin.

"Best, pede ka bang makausap. Abalahin muna kita sa ginagawa mo ha?"

"Sige lang best, sabihin mo lang habang ako'y nagpipili ng mga damo dito. Makikinig ako"


Tungkol pala ito sa manliligaw mo. Kay Eric, isang mayaman at gwapo nating kaklase sa kolehiyo. Nais mo na pala syang sagutin sa susunod na araw dahil na din sa kanyang pangungulit.   Humihingi ka ng permiso sa akin bilang pinakamatalik na kaibigan mo. Humihingi ka rin ng payo kung tama ang desisyon mong sasagutin mo na sya.

Kinakabahan ako sa maaring patunguhan ng ating usapan, maaring ako ay masaktan. Hindi mo alam ang aking nararamdamang matagal ko ng inililihim sayo, dahil sa pagsasaalang alang ng pagiging matalik nating magkaibigan, pinili ko na lang na ikaw ay mahalin ng lihim. Ayaw kong magbago ka sa akin kapag nalaman mong mahal pala kita. Masakit man sa akin ang maaring iyong maging sagot, lakas loob kong itinanong ang nararapat.

"Mahal mo na ba siya?"

Tumango ka lang sa aking katanungan, hudyat lamang ng pagsangayon. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Nalungkot ako bigla at iyon ay iyong naramdaman. Pero bilang iyong kaibigan. Ginawa ko pa din ang nararapat. Nagbigay ako ng payo sa pamamaraang hindi kita masasaktan. Sa pamamaraang hindi ako lalabas na kontra bida kay Eric.

"Ano best? Anong masasabi mo? Ikaw lang naman ang pakikinggan ko best kasi ikaw ang nakakakilala sa kanya."


Sa katotohanan lamang, ayaw ko sa lalaking nanliligaw sayo, hindi sa dahilang masakit sa akin at magseselos lang ako kundi sa dahilang ayaw kitang masaktan. Lingid sa iyong kaalaman, lihim din naman ako nagmamasid sa kanya para sa iyong kapakinabangan. Marami akong nakitang negatibong ugali na tiyak na ikakasakit mo lamang. Pero ganon pa man, ayaw kong magsalita ng negatibo tungkol sa kanya. Ang nais ko sana, ikaw ang makakita.

Niyaya kitang tumayo at nagpunta tayo sa lugar ng hardin na madaming bulaklak. Pinili kong tumapat sa mga rosas na nasa tabihan ng sampaguita. Tinanong kita kung anong higit na mas maganda sa dalawa. Mabilis mong sinagot ang rosas. Batid kong iyon ang iyong isasagot dahil tunay naman talagang kabighabighani ang kanyang kagandahan. Samantalang ang sampaguita, simple lamang, mistulang alipin ng rosas sa kanilang kinalalagyan. Inutusan kitang kumuha ng sampaguita.

"Ang bango nito, ang sarap amuyin"

"Oo best, ang samaguitang iyan ay simple lamang. Maliit at halos hindi pinapansin. Tulad kanina, hindi mo nakita ang kanyang kahalagahan dahil nakatutok ang iyong mata sa rosas na nasa kanyang tabihan."


Inutusan naman kitang kumuha ng Rosas, nakangiti ka pang lumapit at may pananabik sayong mga mata. Hawak mo pa lang ang tangkay ng ikaw ay nagulat at napasigaw sa sakit. Nakita kong nagdurugo ang iyong kamay sanhi ng pagkakatusok ng kanyang mga tinik.

"Aray, best ang sakit naman, may dugo oh!"

"Best, ang bawat bulaklak dito sa hardin ay may kanikanyang katangian. Hindi lahat ng ating nakikita na maganda ay dapat nating hangaan. Madalas dinadaya tayo ng ating paningin. Ang akala mong makakapagpaligaya sayo ay sya din palang magbibigay sayo ng sakit na mararamdaman.  Gaya ng sampaguita at rosas na yan.  Nakita mo na ang kanilang pagkakaiba diba? Yan lang ang aking masasabi sayo. Best, sana nakatulong ako sa pagdedesisyon mo at sori kung nasugatan ka"

Pumikit ka ng ilang sandali at sa iyong pagmulat ngumiti ka sa akin

"Best, maraming salamat.. Bestfriend talaga kita.. payakap nga."

Yumakap ka pa sa akin. At batid kong ito na ang huling yakap na mararamdaman ko sayo. Nakapagdesisyon ka na. Masakit man na hindi mo man lang itinanong sa akin kung sino ang sampaguitang sinasabi ko, masakit man dahil kitang kita ang pananabik mo sa pagkuha ng rosas na syang alam kong pinili mo, masakit man pero pinili kong maging maligaya at masaya sa harap mo.

Dalawang linggo ang matuling lumipas at wala na kong balita tungkol sayo, ni text na kahit simleng hi ay hindi mo man lang nagawa. Siguro dahil busy ka na sa iyong nobyo.  Mas pinili kong manatili sa loob ng bahay kesa makita kang masaya habang kapiling sya. Oo na bitter na kung bitter.
 
Abala ako sa pagdidilig ng halaman ng may narinig akong tumatawag sa akin. Hindi ako maaring magkamali na iyong boses ang aking narinig. Subalit kahit san ako bumaling ng tingin ay hindi kita makita. Aking napansin ang rosas na tila mayabang sa pagkakatindig at ang sampaguitang maliit na animoy alipin lamang ng rosas na iyon. Muli naramdaman ko na naman ang kalungkutan.

"Batid kong ang rosas ay malalanta din subalit umuukilkil sa isipan ng bawat makakakita nito ang angkin nyang kagandahan. Darating ang panahong ang bawat talutot nito'y ililipad ng hangin, tanda ng pagkalagas ng kanyang panahon subalit darating din muli ang araw na ang rosas ay muling sisilay upang magbigay ng magandang tanawin.. subalit..... subalit hinding hindi mawawala ang kanyang tinik."

Napalingon ako sa mahabang litanya na nagmula sa aking likuran. Malalim na pananalita na galing sa boses na tumatawag sakin kanina.

"Ang sampaguita, ordinaryong tumutubo sa kung saan bagaman at maliit, itoy lumilipas din.. subalit hinding hindi mawawala ang kanyang halimuyak na nagbibigay ng sigla sa akin. Ang kanyang amoy na hindi lamang sa ilong nanunuot kundi pati sa aking damdamin. Ang sampaguitang tahimik at hindi nagsasabi ng damdamin."

"Best?"....

"Oo best... dalawang linggo akong nag-isip at sinuri ang aking damdamin... ikaw... ikaw ang sampaguitang magbibigay ng ligaya sa akin.."





*** Sinulat ko po ito para sana sa aking entry sa TKJ May issue. Subalit hindi ko na naipasa dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa akin. Nagkasakit po ang Tambay at sumailalim po sa isang medical procedure sa isang ospital sa Lipa Batangas noong nakaraang dalawang linggo. Paumanhin po sa aking biglang pagkawala sa Blogsphere. BOW...

INAHING MANOK (repost & edited)

$
0
0
Krruuuukkk, krukkkk....

Narinig kong sigaw ni nanay, nanonood  ako ng Voltez V nung mga oras na un. kakadating ko lang galing eskwela. nalimutan ko, ako nga pala ang nakatoka na magpatuka ng manok kada hapon..tsk tsk. Bye Steve, bye little john, bye Big Bert.. Jamie bukas ulit, at Mark wag masyadong mafeeling. Paalam ko sa tropa sabay patay ng TV.

Nakatutuwang magpatuka ng manok na tagalog namin (native chicken) ang dami kasi, ang iba maiilap, ang iba mababait.. naglalapitan at tinutuka ang paa ko. Kada alas 5 ng hapon, nagitipun tipon sila sa likod bahay namin, oras na ng hapunan. Hawak ko ang palanggana ng kinukod na nyog na pagkain nila, yan ang alternative namin pag wala kami pambili ng mais.

Kruukkkk.. krukkk...

Ibinudbod ko ang kinudkod na niyog sa kawayang binyak na nakahilera na akala mo terminal ng bus ang pagkakaparada. Napansin ko ang isang inahin na may akay na mga sisiw na hindi bababa sa 18. Walang makalapit, pinoprotektahan ang sisiw habang sila ay kumakain.

Sabi ng akin ni Nanay, kita mo Banjo, paglaki ng mga sisiw na yan, iiwanan din nila ang kanilang ina. Hindi ko na inisip kung anong ibig nyang sabihin sa akin.


Matagal na panahon na din ang nakalipas. Bigla ko lang naalala. Tinanong ko ang aking ina.. Nasaan na ina ung inahin natin dati na may akay na maraming sisiw?

Nagkwento ang aking ina...

Anak, diba't iniwan na sya ng kanyang mga sisiw? Lam mo anak, sobrang bait ng ating inahin sa kanyang mga anak. Walang makalapit na kaaway, ano mang hayop ang lumapit sa kanila, aso, pusa, daga, kambing, hinarap nya ng buong tapang. Ayaw nyang may mawalay o may mapahamak na isa mang sisiw nya. Tinuruan nya ang kanyang mga anak na lumipad, tumalon sa puno, iwagayway ang pakpak. ano mang uod na makita ng ina, binibigay nya sa kanyang mga anak. Pero tulad ng sabi ko sayo, iniwan din ang ating inahin ng kanyang mga anak....

Nasaan ang ating inahin Ina.?... Ang aking ulit na tanong kay Ina

Yan anak nasa harapan mo na.. may sakit, lugmok sa kahirapan, hindi makabangon, nakaratay sa kanyang pugad. Anak nabanggit ko ba sayong nagbalikan ang kanyang mga sisiw noon pagkatapos ng mahabang panahon. Malalaking tandang at dumalaga na, may tikas at yabang. At alam mo ba kung saan sila galing, galing sila sa ibang pugad. Doon nila ginamit ang lahat ng kanilang natutunan.  At nang magbalik, hindi na nila kilala ang kanilang tunay na Ina. Nalimot na nila lahat ang kabutihang ginawa ng ating inahin para sa kanila. Wala tayong magagawa anak, hindi naman sistema pero yan ang kadalasang nangyayari sa kanila.

Tumahimik ako sandali.. Tiningnan ang aking ina, ngumiti sa akin..

Anak, alam mo bang may pangalan ang ating inahin?

PILIPINASang ngalan nya...






DRAMA LANG

$
0
0
Masaya akong nakikipaghabulan sa aking mga kababata, hawak ang sinelas, nakapikit ang isang mata na nakasipat sa latang nakatayo sa gitna ng kalsada. Unahan sa pag-akyat sa puno ng Mangga ni Mang Teban, sumisiksik sa loob ng isang drum para lamang hindi ma "pung" sa taguan. Nakikipagtagisan sa ilalim ng sikat ng araw, hawak ang pisi ng saranggolang tagpi tagpi na nakikipagsagupaan sa malakas na hangin sa itaas.  Naliligo sa ilog kasabay ng paglalabada ni Nanay.


Ang punong matatag, kahit pa sabihing matanda pa ito sa lolo ng aking lolo, ang dahon nito ay unti unti din nanlalaglag. Kaparis ng paglipas ng panahon, ang walang tigil na pagpapalit ng araw, lingo, buwat at taon. Nagbabago ang lahat, pasulong man o paurong, walang makapipigil dito. Naging masalimuot ang pagtahak sa daan. Hindi maiwasan ang unos na nakaharang, ulang may kasamang malakas na hangin, hinahampas ang pagal na katawan na nakakapit sa maliit na posteng kawayan na nakatusok lamang sa lupa.  Hindi natitinag, lumalaban ang isip at paniniwalang walang makatitinag sa sidhi ng damdamin at katuparan ng pangarap.


Gusto kong kumawala muna. Gusto ko muling maging bata. Gusto kong maging malaya. At yan ang aking ginawa, binalikan kong muli ang nasa aking alaala. Ang kumusmusang malaya sa lahat ng problema. Nakatingala sa langit. Nakakapit sa bisig ng kaisipang malaya.


 At ngayon nga, tapos na ang panaginip, tapos na ang pagkukunwaring ilang buwan ding nanahan sa akin. Muli akong bumabalik, sa kabila ng aking pag-alis ng walang paalam, patawad. Tatahak na kong muli sa daan na walang kasiguruhan.







CAPTAIN BARBELL

$
0
0

Matamang nagmamasid ang tatlong lalaki sa harap ng isang gusaling iyon. Malilikot ang mga mata, inaaral ang paligid, sinisipat ang bawat pumapasok sa loob ng gusali. Hindi rin nagtagal, bumaba ng sasakyan ang tatlong lalaki, pumasok ang dalawa sa loob ng gusali habang tumabi naman sa guwardya ang isa.

"HOLDAP ITO, DUMAPA KAYO LAHAT KUNG AYAW NYONG MASAKTAN"

Ang sigaw ng isa sa loob. Sa takot ng mga tao, walang nagtangkang pumalag ni isa at mabilis na naisagawa ng mga holdaper ang kanilang pakay, mabibilis ang kilos, kinuha ang lahat ng pera. Papalabas na ang mga holdaper ng biglang isang kariton ang humarang sa kanilang daanan. At simbilis ng kidlat,  lumabas ang bida. Si CAPTAIN BARBELL. Suntok dito, suntok doon. Baril dito baril doon pero wala silang nagawa. Nahuli ang mga holdaper, itinali ni Captian Barbell ng nakabitin. Subalit sa hindi rin malaman kung saan, biglang lumabas si SPIDERMAN na kakampi ng mga holdaper. Matinding labanan ang naganap, nagtatagisan ng galing. Kung saan saan lumalop humantong ang kanilang laban. Sugatan ang bawat isa, at sa bandang huli, dahil sa ito ang kadalasang nangyayari sa mga pelikula at akin na ding kagustuhan, nagwagi syempre ang aking bida. Si Captain Barbell.

"BANJO, TUMAYO KA NA D'YAN AT KAKAIN NA, TAWAGIN MO NA ANG TATAY MO"

Isang nakabibinging sigaw ng aking mahal na ina ang umistorbo sa aking paglalaro. Inimis ko na din ang aking mga laruan, isa isa kong inilagay sa kahon, tumayo na ako at tumungo sa aking Tatay.

----

Oo, nasa isipan ko lang ang lahat ng iyan. Aking binalikan, sinariwa ang alaala ng kamusmusan. Masarap maging bata. Malaya ang isipan. Malayo sa suliranin. Mabilis ang takbo ng bawat oras, walang nasasayang kaya walang panghihinayang. Parang eksena sa isang pelikula ang aking mga nasa isip noon, sa mga oras na ako ay nag-iisa at naglalaro sa harap ng aming kubo. Kausap ang mga tautauhan na pinagagalaw ng aking mga kamay base sa gusto ng aking isipan. Labanan, o kalaban kalabanan ang aking tawag sa larong iyon. May kontra bida at Bida, mabilis ang pagusad ng istorya, walang nasasayang na sandali at paniguradong mananaig ang kabutihan. Laro lamang. Likha ng makulit na pagiisip. Nagbibigay sa akin ng kasiyahan.

Sa mga kaganapan sa paligid, sa aking nararamdaman ngayon, naiisip ko ang bukas. Paano nga ba ang mangyayari? Sa takbo ng aking ginagalawang sistema. Sa mga pangyayaring umaabot sa aking kaalaman. May happy ending pa ba? Habang nasa paligid ang tunay na kriminal na unti unting tinatalupan, hangga't hinahayaang makalusot ang mga kabulukan. Paulit ulit lamang, aasa sa wala.

Minsan ko na ring pinangarap na mangyari sa tunay na kahulugan ng buhay ang bawat eksena noon. Mabilis ang pagusad ng sistema. Pag may mali, may kaparusahan ang may gawa. Mabilis at kulungan agad ang kalalagyan. Mananagot kay Captain Barbell ang lahat ng may pananagutan sa batas. Walang makalulusot. Walang sinisino. Walang masasayang na oras. Minsan ko na ding inisip na sana maging bata din ang ating sistema, maglaro ng kalaban kalabanan. Ang mga kontrabida sa lipunan, ang mga tunay na holdaper at kriminal na ngayon ay nakikilala na. Walang sasayangin na sandali. Itatali ni Captain Barbell ng patiwarik. Mabilis ang pagkuha ng hustisya. At pagkatapos ng laro, iligpit ang mga kontrabida. Itagong mabuti o kaya mas maganda ay itapon upang hindi na mapaglaruan pa.






ISABIT MO KAY STO. NIÑO

$
0
0


Isang gabi pag labas ko sa opisina, dumaan ako sa mercury drug para bumili ng gamot na pabili lang sa akin. Pagkatapos kong mabayaran ang gamot, diretso na ko sa parking ng lumapit sa akin ang isang bata. Mahaba ang damit, naka paa, at nanlilimahid na ang istura. May dalang sampaguita na kanya palang paninda at iniaalok sa akin.

"Sir bili na kayo ng sampaguita, sabit nyo kay Sto. Niño"

Umiling ko, pahiwatig na ayaw ko. Dumukot ako ng yosi at nagsindi.

"Sige na sir para makaubos po ako, isabit nyo po sa Sto. Niño"

Tumingin ako sa relo, alas nuebe na ng gabi. Sa isip isip ko, dapat sa umaga nya itinitinda itong sampaguita. Para mas maraming tao. Dumukot ako ng sampum piso at ibinigay ko sa kanya. Kumuha sya ng isang tali at iniaabot sakin.

"Wag na toy, ibenta mo na yan sa iba sayo na yang ten."

"Hindi po sir, sa inyo na ito, isabit nyo sa Sto. Niño."

Kumuha pa ko ng sampum piso at iniaabot ulit sa kanya. Kumuha ulit sya ng isa pang tali at ibinibigay sakin

"Toy, ibenta mo na yan sa iba, ayaw mo ba nyan, may pera ka na may tinda ka pa"

"Sir, hindi naman po ako nagpapalimos kung un ang iniisip nyo, nagtitinda po ako ng sampagita para po sa mga taong tulad nyo at  para may maisabit kayo sa Sto. Niño, yun lamang po ang aking kagustuhan. Kunin nyo na po para makauwi na din ako sa amin."

Napahiya ako sa tinuran ng bata, sa totoo lang tinamaan ako, nanghusga ako batay sa itsura nya. Napilitan akong kunin ang dalawang tali ng sampaguita na nakangiting ibinigay sakin ng batang iyon, ngiting inosente, ngiti ng isang batang walang muwang sa mundo

"Thank you po, isabit nyo po sa Sto. Nino."

Habang inuubos ko ang yosi, nakatingin lang ako sa hawak kong sampaguita at sa batang nag-aalok pa sa bawat taong lumabas ng drugstore na yon. Muli tinawag ko ang bata at binili ko lahat ng natira nyang tinda. Siyam na tali sa kabuuan, binigyan ko ng isang daan at sinabi kong sa kanya na ang sukli. Pero pilit pa din nya iniaabot sakin ang sukli sabay ngiti. Wala akong nagawa.

"Isabit nyo po kay Sto. Nino"

"Teka tutoy, anong pangalan mo?"

"Lino po"

Habang daan naiisip ko ang nangyari, nakakatuwa ang batang iyon, bihira ang tulad nya.. daig pa ang may pinag aralan. Ang iba gumagawa ng masama, dahil lamang sa pera, sa sobrang talino, nagiging bobo. Wala ng kinatatakutan. Pero ang batang iyon iba talaga. May takot sa Diyos alam ko. Malapit na ko sa bahay ng maisip ko, pero teka wala nga palang Sto. Niño sa bahay. San ko naman ito isasabit?

Pagdating ko sa bahay, sinalubong ako ni misis, dumiretso ako sa kwarto at hinalikan ang natutulog ng mga bata.

"Pa, maghanap ka bukas ng sampagita, pinagdadala sila ni titser tess para daw ialay nila sa misa, isasabit daw sa Sto Niño"

Nabigla ako sa aking narinig, subalit hindi ko pinahalata kay misis. Kinilabutan ako sa nararamdaman ko. Hindi ko alam kung nagkataon lang ang lahat. Hindi  ako nakatulog ng gabing iyon. Kinabukasan maaga akong umalis papasok ng opisina, dumaan muli ako sa mercury drug, baka sakaling makita ko muli yung bata na nagbenta sa akin ng sampaguita upang sya ay pasalamatan Marami na kong bata na nakikita subalit hindi mahagip ng aking mata si Lino. Sampung minunto na lang sa aking relo bago pa ko mahuli sa aking trabaho kaya ipinasya ko na ding lumisan.

Kinagabihan pagkalabas ko sa opisina, binalikan ko ang lugar. Isang oras na ang lumipas at ilang stick na din ng sigarilyo ang aking naubos pero wala pa din si Lino. Kaya naisipan ko ng sya ay ipagtanong sa matandang nagtitinda ng sigarilyo sa gilid ng botika.

"Ah manang, may napapansin ba kayong bata dito na nagtitinda ng sampaguita? Lino ung pangalan nya"

"Lino po ba na batang nagtitinda ng sampaguita? Aba eh kilala ko po iyon. Walang hindi nakakakilala sa batang iyon. Napakabait at masunuring bata"

"Ganon po ba? Mabait nga po ang batang iyon. Nakita nyo ba sya nitong maghapon?"

"Aba'y Sir, matagal na ho syang patay. Mga isang taon na din ho ang nakakaraan."

"Ho. Imposible naman ho. Kagabi ho eh nagbenta lang sya saking ng sampaguita"

Nakatitig lang sa akin ang matanda na wari ko'y may gustong sabihin. Kaya naupo ako sa knyang tabi.

"Sir, hindi lang kayo ang nagtanong sa akin ng tungkol kay Lino. Marami na kayo na naghahanap sa kanya. Isang taon na din ang nakararaan ng bigla na lang sumulpot ang batang iyon dito, wala kaming alam kung saan nakatira ang bata. Minsan ko na din nakakwentuhan si Lino, ang sabi nya sa akin wala syang mga magulang at kapatid. Ulilang lubos na ang batang iyon. Mabait na bata at matulungin. Marami na ding beses na ako'y kanyang tinutulungan dito sa aking pwesto. Hanggang isang gabi, may nalaglag na kung anong bagay sa bag ng isang pasahero na naghihintay diyan sa tapat. Pinulot nya at inihabol sa babae. Isang bus ang paparating, at nahagip ang katawan ng bata. Grabe ang pinsalang tinamo ng bata, isa ako sa nakalapit sa kanya at nakita ko,  hawak pa din nya ang bagay na nalalaglag sa babae. Iniabot nya ito sa babae, ngumiti sya at pumikit. Namatay noon din si Lino pero nakita kong may ngiti sa kanyang labi. Hindi ko alam kung bakit pagala gala pa din ang kanyang kaluluwa sa lugar na ito. Marahil ibig nyang matahimik at maligtas ang kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng mga sampaguitang kanyang itinitinda."  Mangiyak ngiyak si manang ng matapos nyang sabihin sa akin.

Pinanindigan ako ng balahibo sa aking nalaman. Hindi ko alam kung anong ibig ipahiwatig nito sa akin. Hindi ko alam kung bakit nagpakita sa akin si Lino. Hindi pa rin ako makapaniwala.  Noong gabi din yun, ikinuwento ko sa aking asawa ang nangyari. Kahit sya'y natakot sa pangyayari. Ipinagdasal na lang namin ang kaluluwa ni Lino. Kinalingguhan, nagsimba kaming mag-anak. Bumili na din ng sampaguita upang isabit kay Sto. Niño. Ang bawat kwintas ng sampaguita na magdudugtong dugtong upang kanyang maging gabay para sa kanyang kaligtasan kung saan man sya naroroon. Ang bawat isang tali ng samaguitang may kasamang panalangin para kay Lino. At sa aking kamay at puso hindi mawawala ang sampaguitang aking isasabit kay Sto. Niño.

***




DE SUSI

$
0
0


Isang mag-anak ang umagaw ng aking pansin sa loob ng mall na iyon.Umiiyak ang batang lalaki habang bitbit ang isang plastik na may tatak  ng isang sikat na tindahan ng laruan. Pumasok sa loob ng tindahan na iyon at  akin namang sinundan. Nang ilabas ng Daddy niya ang nasa loob ng plastik, isang robot pala na sira ang laman ng plastik. Tila yata isosoli o papapalitan sa tindahan na iyon. Nang mapalitan ng bago, pinaandar ng Daddy ang robot, isinusi ang bandang likuran at kusa ng itong gumalaw at naglakad . Tuwang tuwa ang batang lalaki habang pindot ng pindot sa remote ng laruan. Bakas din sa mukha ng mga magulang ang kagalakan. Napangiti ako sa tagpong iyon.

"Escuse me Sir, ano pong hanap nyo, maari ko po kayong matulungan" Yung sales lady nang makalapit sa akin.

"Ah eh Miss, yung robot na katulad ng binili nang bata kanina. Yung mas malaki at mas maganda."

"Dito po Sir, sunod kayo sa akin. May mapagpipilian po dito, may bagong arrival din po kami. Siguradong magugustuah ng inyong pagbibigyan."

"Para sa aking anak yan, sige ikuha mo ko ng isa, pakitest na din ha"

"Ok po Sir, upo muna po kayo, pakihintay na  lang po"


Diretso na ako sa Airport matapos kong bumili ng ilang pasalubong sa Mall na iyon. Sa loob ng airport habang naghihintay na tawagin ang aking flight, naisip ko ang tagpong iyon kanina. Sinilip ko ang robot na aking binili at nagbalik sa aking alaala ang nakaraan, minsan na din nagkaroon ako ng susi sa aking likuran.


-----


“Anak pagkatapos mo dyan sa assignment mo, pumunta ka sa kwarto. May ipapagawa ko sayo"

"Eh Daddy maglalaro po sana pagkatapos ko dito, pwede po ba bukas na lang?"

"Hindi pupwede, baka gusto mong itapon ko ang robot mo. Kung ano ang iutos ko, yun ang gagawin mo. Maliwanag?"

"Sige po Daddy, tatapusin ko na po itong assignment ko"

Bata pa lang ako, masunurin na ko sa king mga magulang. Malaki ang takot ko sa aking Daddy. Istrikto kasi kaya hindi ko magawang salungatin ang kanyang kagustuhan. Lahat ng ipagawa ay agad ko naman sinusunod kahit na labag ito sa aking kalooban. Mahal ko kasi ang aking mga magulang at ayaw ko silang magalit sa akin. At saka minsan kasi na hindi ko nasunod ang pinapagawa nya, palo at masasakit na salita ang aking inabot sa kanya kaya ganon na lang ang aking takot. Hanggang sa aking paglaki, wala akong hindi sinunod sa kagustuhan nila.


"Aba kumpadre, binata na pala ang unico hijo mo, malaking bulas din gaya  ng Daddy, tiyak na pagkakaguluhan ng kababaihan ito hahaha"

"Hahaha, kumpadre balang araw, itong si Jhonny ang mamamahala ng negosyo ko at magiging manugang mo, maganda din si Jenny at natitiyak kong bagay na bagay sila."

"Ayos yan kumpadre, sang-ayon ako sa sinabi mo. Kapag nagsama ang dalawa, mas magiging matatag ang ating mga negosyo kaya ngayon pa lang ayusin na natin ang kinabukasan nila"

Isang usapan iyon sa pagtitipon na dinaluhan namin, mga may kaya sa buhay ang lahat ng naroroon. Anuman ang sabihin ni Daddy, oo na lang ako ng oo. Sunud sunuran sa kanyang kagustuhan. Buong kabataan ko, sa kanila lang umikot. Kay Mommy, kay Daddy, sa kanilang mga kumpadre at kumare.

Hanggang sa aking pagbibinata, naging mabuti akong anak sa kanila. Marami nga ang nagsasabi sa mga magulang ko na swerte daw sila sa akin dahil sa kabaitan kong ipinamamalas sa kanila.


"Anak, natutuwa ako at nagkamit ka ng unang karangalan ngayong pagtatapos mo ng Highschool. Magaling hijo, magiging matagumpay kang negosyante balang araw. Tamang tama ayos na ang visa at pasaporte mo. Sa America ka magkokolehiyo at kursong Management ang kukunin mo para sa ating negosyo."

"Dad, usapan namin ng barkada na samasama kami sa isang kolehiyo dito at gusto ko pong maging arkitekto. Dad, ngayon lang po ako hihiling sa inyo"

"Hindi maari, sa Amerika ka mag-aaral at ang kursong Management ang kukunin mo. Ako ang masusunod naiintidihan mo. Ikaw ang susunod na mamamahala ng ating negosyo kaya dapat sundin mo lahat ng gusto ko at isa pa dun din mag-aaral ang anak ni kumpadre na s’yang magiging asawa mo balang araw. Wag mo kong bibiguin Jhonny, iyan ang pangarap namin sa’yo ng Mommy mo."

Wala akong nagawa sapagkat kita ko ang galit sa kanyang mga mata ng oras na iyon. Lumuha na lang ako ng tahimik at nagdesisyong sundin ko na lang ang kanyang kagustuhan. Inisip ko na lang na kapakanan ko lang ang kanilang nasa sa isip. Masama man ang aking loob, pinili ko na lang na manahimik para wala ng gulo.


Apat na taon din ako sa Amerika. Apat na taon kong binuno ang isa sa mga pangarap ni Mommy at Daddy sa akin. At sa loob ng apat na taon na yon, puro pag-aaral lang sa kursong napili nila ang aking inatupag. Apat na taon din  na kasama ko si Jenny, ang anak ng kumpadre ni Daddy. Sa iisang kurso at paaralan. Natitiyak ko na  ganon din ang gusto ng magulang nya kaya hindi na kami nagkahiyaan, wala ng ligawan kaya naging kami agad. Alam naman namin na nagkasundo na ang aming mga magulang para sa aming dalawa.  Noong una, wala naman siyang puwang sa aking puso pero habang tumatagal, nahuhulog ang damdamin ko sa kanya. Hanggang sa minahal ko siya ng lubusan. Doon ko naisip na tama si Daddy, tama ngang sinunod ko ang kagustuhan nya.


Sa buong pagsasama namin ni Jenny, minahal ko na din sya ng buong puso. Lahat ng kanyang kahilingan aking ibinibigay, kahit na minsan magmukha na kong tanga sa kanyang kapritso. Ang makita ko lang s’yang masaya ay nakakapagpaligaya na sa akin. Laging bukang bibig namin ang aming hinaharap, ang aming kinabukasan. Ilang anak ang gusto. Saan kami magpapagawa ng bahay. Saan kami magpapakasal. Lahat, halos lahat ng detalye para sa aming dalawa. Natuto na akong bumuo ng sarili kong pangarap.

Huling taon na namin sa unibersidad iyon. Malapit na ang aming graduation. Isang sorpresa ang aking inihanda para kay Jenny. Sa isang restauran isang gabi noon, isang singsing ang aking matagal ng iniingatan. Binili ko pa mula ng maramdamang mahal ko na sya. Inilabas ko at inabot ko pa ang kanyang mga kamay.

"Jen, will you marry me?"

"Ha? Binigla mo naman ako, seryoso ka Jhon?"

"Oo naman. I Love you Jen, will you marry me?"

"Hahaha. aba teka muna Jhon, linawin mo nga muna ang lahat, hindi kita maintindihan"

"Jen, mahal kita. Pakakasalan kita pag uwi natin. Seryoso Jen."

"Hahaha. Hindi nga, mukhang malabo ka Jhonny, hahaha.. teka... napatawa ko sayo, napatawa mo ko."

"Jen?"

"Ano ka ba, ang akala ko malinaw na sayo ang lahat. Hindi mo pa din ba alam ang sitwasyon mo ngayon? Laruan ka Jhon. Alam mong naglalaro lang tayo. Bakit mo sineseryoso ito? Lahat ng ito, pagpapanggap lang. Nilaro ko lang ang larong ito, sinusunod ko din lang ang gusto ng aking mga magulang. Nakikipaglaro din lang  ako sa kanila at wala akong balak magpatalo sa larong ito. Pareho tayong may susi sa ating likuran dahil tulad mo Jhon, isa din akong laruan. Isang de susing robot na sumusunod sa kanilang kagustuhan. Hindi mo pala naiintidihan… Suriin mong mabuti ang iyong sarili. Baka nadadala ka lang ng takot para sa kanila. Wag kang maging duwag. May sarili tayong buhay, wag mong tulyang hayaan na sakupin nila ang lahat ng iyong karapatan. Pero sa nangyayari ngayon, talo ka Jhon. Sorry, ang buong akala ko naiintindihan mo ang lahat ng ito. Kung tatanggapin ko ang alok mong kasal sa akin, para ko na ding dinaya ang aking sarili sa larong ito. Hindi pagmamahal ang nararamdaman ko para sayo. "


Napakasakit ng pangyayaring iyon sa akin. Tila harapang sampal ang aking naramdaman. Oo nga naman, hindi ko agad naisip na ako'y isang laruan. Lalo ko lang naramdaman na pati ang aking pag ibig ay pinaglaruan. Minahal ko si Jenny hindi dahil sa iyon ang gusto ng aking magulang kundi iyon ang aking nararamdaman. Masakit na pati siya ay naglaro sa aking damdamin. Minsan lang ako natutong mangarap para sa aking sarili subalit ang pangarap palang iyon isang laro din lamang.


Araw ng aming graduation at dumating ang aking mga magulang. Kasama ang pamilya ni Jenny, isang salu salo ang inihanda nila sa amin. Kumustahan, kwentuhan ng kung ano ano. Hanggang sa dumako sa kasal ang usapan. Tumingin sa akin si Jenny, tila sinasabing ngayon na ang panahon upang huwag akong maging talunan. Hindi pa tapos ang laro. Makakahabol pa ako.


“Anak, Hindi ka ba talaga sasama sa amin ng Mommy mo?

“Dad, sa buong buhay ko sinunod ko ang gusto nyo. Naging masaya ako para sa inyo ni Mommy, pero sa sarili ko napakaraming kulang. Sa pagkakataong ito Dad, uumpisahan ko na ang buhay ko. Alam ko naiintindihan nyo ako ni Mommy”

"Anak, ingatan mo ang sarili mo dito." Malungkot na yakap sa akin ni Daddy. Pero alam ko naiintindihan nya ako.

"Opo dad, wag kang mag-alala sa akin at mag-iingat din kayo sa atin"

"Jhon, sorry sa mga nangyari. Minahal din kita pero hanggang kaibigan lang.  Sana makita mo na ang makakapagbigay ng tunay na kasiyahan sayo. Ngayon hawak na natin ang ating sarili. Huwag ka ng maglalaro ok?, hindi na kita kakampihan nyan. Mamimiss kita. Mag-iingat kang mabuti"

"Salamat Jen, at pasensya na din nga pala. Sige na, mahuhuli na kayo sa flight nyo, magiging ayos lang ako dito"

Hindi ako sumama sa kanilang pag uwi. Masakit sa akin magpaiwan dito, lalo na ngayong malalayo na ako kay Jenny. Naiintindihan ko, ngayon din lang nya hahawakan ang kanyang sarili. Ngayong tanggal na ang susi sa aming likuran, wala ng maglalaro sa amin at hindi ko na ito papahintulutang mangyaring muli.  Nagpaiwan ako  dito sa America, dito ko tutupadin ang dati  kong pangarap. Dito ko din hihintayin ang aking tunay na kasiyahan. Masakit man sa akin ang nangyari, itinuring ko na din na iyon ay laro lamang. Talo ako. Pero hindi pa huli ang lahat. Tama na ang minsang ako'y naging isang laruan.


----


"All passengers.... flight number..... please proceed.... "

Ang announcement na iyon ang pumutol ng aking malalim na pagiisip, tumayo na ako bitbit ang aking gamit. Pabalik na ako sa Amerika. Umuwi lang ako ng Pilipinas dahil para dumalo sa binyagan ng anak nina Jenny. Kinuha kasi nila akong ninong nito at isa pa para na din dumalaw sa aking mga magulang. Gustuhin ko mang manatili dito pero hindi maari. Naghihintay ang aking tunay na kasiyahan sa America. Ang aking asawa at anak na nandoon. Ahhh.. ang anak ko. Siguradong matutuwa iyon sa aking pasalubong sa kanya. Iniisip ko pa lang, nasisiyahan na ako. Miss ko na sila. Ipinangako kong hindi nya mararanasan ang minsang dinanas ko. Ang maging isang de susing laruan.

Sa loob ng eroplano kakaupo ko pa lamang ng mag ring ang aking cellphone. Pangalan ng aking kliyente ang nag appear sa screen.

“Hello”

“Hello.. is this Architech…?”

"Yes, Architech Jhonny Montenegro speaking"





 ***
Likhang lahok para sa kategoryang "Maikling Kwento" ng SARANGGOLA BLOG AWARDS


 
SARANGGOLA BLOG AWARDS

SI IKOY AT ANG KANYANG MGA LARUAN

$
0
0






Si Ikoy ay isang masunuring bata. Nag-iisang anak ng kanyang mga magulang kaya ganon na lang ang hilig nya sa mga laruan. Pero dahil sa mahirap lang ang kanilang pamilya, kuntento na siya sa mga laruang pinaglumaan ng kanyang mga kaklase. Minsan naman sa daan paguwi nya galing eskwela, kapag may nakikita syang sira sirang laruan sa lansangan, kanya itong pinupulot, nililinis at inaayos muli. O kaya naman kapag may itatapon ng laruan ang kanyang mga kaklase, kanya na lang itong hinihingi. Sa ganong paraan sya nakaipon ng maraming laruan.

Isang araw na walang pasok sa eskwela habang naglalaro si Ikoy sa loob ng kanilang bakuran, isang bata ang napansin nyang nanonood sa kanya. Medyo dusdusin ang bata at may hawak na sampaguita. Nakasilip ang bata sa bakod na tila nananaghili sa kanya kaya kanya itong nilapitan.

"Hi Bata, gusto mo bang maglaro? Halika, dito tayo sa loob. Pasok ka para makapaglaro tayo"

"Sige, kanina pa nga kita pinapanood. Natutuwa kasi akong pagmasdan ka, kinakausap mo ang iyong mga laruan na parang bata din"

"Ano nga pala ang pangalan mo?"

"Ako si Lino"

"Ako naman si Ikoy. Tara na dito sa loob"

Masayang naglalaro ang dalawang bata. Kitang kita sa kanilang mga mata ang kasiyahan. Minsan lang magkaron si Ikoy ng makakalaro kaya ganon na lang ang kanyang tuwa. Ipinagmalaki nya ang kanyang mga laruan kay Lino.

"Sya nga pala Lino, ito si Andy at yun naman ang kanyang kabayo. Kilala mo ba sila?"

"Ah may pangalan pala ang iyong mga laruan"

"Oo, binibigyan ko ng pangalan sila. At yang hawak mo, sya si Peter."

Isinama pa ni Ikoy sa loob ng kanyang kwarto, doon nakita ni Lino ang maraming laruan, halata ang kalumaan ng mga ito at halatang inayos lang. Pero nakita din ni Lino kung gaano kasinop si Ikoy at kung gaano nya kamahal ang mga ito.

"May isa pa kong laruan na hindi ko pa naipapakilala sayo, siya si Optimus Prime. Yung sa tranformer. Pinag-iipunan ko pa kasi, kita mo ba yun tibuyo ko na iyon? malapit na iyong mapuno at mabibili ko na din siya. Kung sakali, siya pa lang ang unang laruan na mabibili ko." excited na sabi ni Ikoy.

"Ikoy, uuwi na ako. Baka hinahanap na ko sa amin. At ilalako ko pa nga pala itong sampaguita"

"Ganon ba, sige kelan ka ulit balik dito?"

"Hindi ko alam Ikoy pero may ibibigay ako sayo"

Mula sa likuran ni Lino, Isang kahon ang lumabas sa kanyang mga kamay. Iniaabot nya ito kay Ikoy.

"Uy marunong kang mag magic, ano ito?"

"Dahil sa iyong kabaitan, ibibigay ko ang kahon na ito. May magic ang kahon na iyan. Ang bawat laruan na ilagay mo diyan ay magkakaron ng buhay. Sa ganon magkakaron ka na ng kalaro dito. Wag kang mag-alala, ang bawat laruan na mabubuhay ay susunod sa utos mo. At bago mag alas sais ng gabi. Babalik ulit sila sa dati. Mabubuhay ulit sila kapag inilagay mo sila sa kahon na ito. Ikaw lang ikoy ang makakakita sa kanila habang sila ay may buhay, sa mata ng iba, ordinaryo lang silang laruan."

"Ha, totoo ba iyon? Salamat dito Lino. Iingatan kong mabuti ito"

Isang ngiti lamang ang naging tugon ni Lino at umalis na ito. Tiningnan ni Ikoy ang loob ng kahon at sa kanyang pag taas ng kanyang mga mata, hindi na niya makita si Lino. Hinanap niya ito pero hindi na niya makita. Kumamot na lang si Ikoy sabay pasok sa kanyang kwarto.  Sinubukan niyang maglagay ng isang laruan sa loob ng kahon. Ganon na lang ang kanyang pagkagulat dahil totoo ang lahat ng sinabi ni Lino.

"Anak, labas ka na dyan at kakain na tayo ng tanghalian."

"Opo inay, sususunod na po." kinakabahang sagot ni IKoy.

 "Oy, ikaw wag kang lalabas dito ha. Dito ka lang sa loob ng kwarto ha"

Tumango lang ang laruan tanda ng pagsangayon. Tuwang tuwa si Ikoy. Inilihim nya ito sa kanyang mga magulang.

Mula noon, sa loob ng kwarto naglalaro si Ikoy kasama ng kanyang mga laruan. Tuwang tuwa sya habang pinagmamasdan ang mga ito. Sinusunod naman ng mga ito ang bawat sabihin ni Ikoy. Tuwing hapon paglabas niya sa eskwela at pagkatapos niyang gumawa ng aralin, binubuhay niya ang mga laruan upang makipaglaro sa kanya. Ganun palagi ang eksena.

Isang araw na walang pasok sa eskwela, naisipan ni Ikoy na gumawa ng isang maliit na hardin sa likod ng kanilang bahay. Nagtanim sya ng maliit na halaman, gumawa na din siya ng maliliit na bahay. Halos maghapon na din niyang ginawa iyon. Mistulang maliit na pamayanan ng matapos. Para ito sa kanyang mga laruan, inisip nyang mas magiging masaya ang mga ito kung parang tao din sila na nabubuhay. Isa isa niyang inilagay sa loob ng mahiwagang kahon ang mga laruan.

 Tuwang tuwa si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan sa hardin na iyon. Yung isang pilay na laruan, tinutulungan ng iba. Yung iba naman gumagawa ng sarili nilang bahay. May naghahabulan, may naglalaro. May tumatambling, yung hayop na laruan, inaalagaan naman ng iba. Sobra ang saya ni Ikoy, maging ang kanyang mga laruan ay mayroong pagkakaisa.'’

Tuwing umaga bago pumasok sa eskwela, binubuhay niya ang mga laruan at iniiwan sa hardin. Binibilinan pa lagi niya na laging magtutulungan sa kanilang gawain. Hanggang isang araw ng ginabi siya ng pag-uwi dahil pinuntahan sya ng kanyang Ina sa eskwela para isama sa pamamasyal, nadatnan niyang sira sira ang kanyang maliit na hardin. At dahil lampas na ng alas sais ng gabi, nagkalat  din ang kanyang mga laruan. Ang iba, sira sira... may tanggal ang paa, may nakasabit sa halaman. May madumi, may nakabaon sa lupa. Nagtataka si Ikoy sa nangyari, wala namang hayop sa kanilang paligid kaya imposibleng may pumasok na  hayop doon at guluhin ang kaniyang hardin. Napakamot na lang si Ikoy at isa isa na niyang pinulot ang mga laruan.

Ginawa nya ulit ang Hardin para sa kanyang maga laruan kinabukasan Binuhay niya muli ang mga ito para maglaro sa hardin. Pagkalagay niya ng mga ito, nagulat sya sa kanyang nakikita. Nag-aaway away ang mga laruan. May nagsusuntukan, may nagsisipaan. Kanya kanya ng takbuhan. May sumisira ng bahay, may nagbubunot ng halaman.

“Anong nangyayari sa inyo? Bakit kayo nag-aaway away. Bakit kayo hindi nagkakasundo"

Umiiyak si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan. Subalit hindi naman nakikinig ang mga ito. Hindi alam ni Ikoy ang kanyang gagawin. Lalo pa syang nasaktan ng makita niya ang mga itong halos magpatayan. Hindi nakayanan ni Ikoy ang nasasaksihan kaya pumasok siya sa loob ng bahay at dumiretso sa kwarto. Doon sya umiyak ng umiyak. Mahal nya ang kanyang mga laruan, kaya naman kanya itong binuhay upang malaya silang makapaglaro. Nang sumapit ang gabi,kanyang pinulot isa isa ang mga nagkalat na laruan sa kanyang hardin. Nilinis niya ang mga ito at dinala muli sa kwarto Napatingin si Ikoy sa kanyang tibuyo, agad nya itong kinuha at binasag. Isa lang ang nasa isip ni Ikoy.

May bagong laruan si Ikoy, si Optimus Prime. Binili nya ito para sa iba pa nyang mga laruan. Upang siyang magbantay sa mga ito sa loob ng hardin. Isang araw bago pumasok sa eskwela, iniwan niya sa hardin ang mga laruan. Binuhay niya ang mga ito at binilinan.

"Mga mahal kong laruan, ibalik nyo sa dati ang hardin natin ha. Ayusin nyo ito, para din naman sa inyo yan eh. At ito nga pala si Optimus Prime. Sya ang magbabantay sa inyo. Dapat wag na muli kayo mag away away ha. At ikaw Optimus Prime, ikaw na ang bahala sa kanila ha pero wag mo silang sasaktan"

Sabay sabay na nagtanguan ang mga laruan at sumaludo pa si Optimus Prime.

Pag-uwi ni Ikoy, ganon na lamang  ang kanyang lungkot ng kanyang masaksihan ang ginagawa ng mga laruan sa loob ng hardin. Nagaaway away muli. Mas lalong nasaktan si Ikoy ng makita nya si Optimus Prime na nakabitin sa isang halaman at pinamamato ng ibang laruan. Tumako si Ikoy sa loob ng bahay at kinuha ang mahiwagang kahon.

"Binigyan ko kayo ng isang pagkakataon, ayoko sanang gawin ito sa inyo"

Sinira ni Ikoy ang kahon at isa isang nawalan ng buhay ang mga laruan. Umiyak si Ikoy, nalungkot sa nangyari. Pero dahil mahal nya ang mga ito, isa isa nyang pinulot at itinabi na lang sa kanyang kwarto. Lumabas ng bahay si Ikoy at doon sa bakuran nakita nya muling naka silip si Lino na agad niya naman nilapitan.

"Lino, bakit ganon sila? Sa kabila ng kabaitan ko, sa kabila ng pagmamahal ko sa kanila, bakit hindi nila pinahalaghahan ang mga ginawa ko. Pati si Optimus Prime na pinag-ipunan ko para sa kanila, nagawa nilang sirain... Hu hu hu...  Eto nga pala ang kahon, sinira ko na para tumgil na sila sa kanilang pag-aaway" Umiiyak na sumbong ni Ikoy.

"Ikoy, tama ang ginawa mong pagsira sa kahon, iyon lamang ang paraan para sila ay tumigil.”

“Pasensya ka na Lino. Pati ang mahiwagang kahon na binigay mo sa akin, hindi ko na naingatan. Ayaw ko nang buhayin pa ang aking mga laruan, wala silang utang na loob. Pero hindi ako galit sa kanila ha. Nalungkot lang talaga ako sa nangyari.”

“Ang mahiwagang kahon na binigay ko sayo ay may ibig sabihin. Nakita mo na kung ano ang tunay na nangyayari sa atin. Ikoy, ang mga laruan bagamat binigyan mo ng buhay, hindi pa rin nila pagaari ang kanilang mga sarili. Tayong mga tao ay ganon din. Hiram lang natin ang ating buhay at hindi natin ito pag aari. Kaya dapat pahalagahan natin at mabuhay tayo para sa mas mabuti.”

"Ha, anong sinasabi mo Lino?" Tanong ni Ikoy habang nagkakamot ng ulo.

“Ang mga laruan, ang munting hardin, ang mahiwagang kahon, si Optimus Prime at Ikaw. Ang aking mga binanggit ay mga simbolismo lamang ng tunay na nangyayari.”

“Hindi kita maintindihan Lino”

Ngumiti lang si Lino, at sa ngiting iyon sumilay din ang ngiti ng nalilitong si Ikoy…







***
Likhang lahok para sa kategoryang "Kwentong Pambata" ng SARANGGOLA BLOG AWARDS

SARANGGOLA BLOG AWARDS

PULUBI: MULING PAGTATAGPO

$
0
0
nauna: PULUBI

Inabot na ako ng dilim sa biyahe galing ng Maynila. Pagod at init ang inabot ko maghapon sa paghaharap ng trabaho. Sakay ng bus na hindi aircon, hindi ko na din namalayan na napaidlip na din ako. Dahil na din sa inip sa nadaanan naming trapik. Tapik sa balikat ang nagpabalik ng aking kamalayan. Malapit na pala akong bumaba at isang kanto na lamang pala ang layo.

Pagbaba ko pa lamang, nagtataka ako kung bakit maraming tao sa may labasan sa amin. Oo nga pala, umpisa na nga pala ng kampanya ng eleksyon para sa magiging mayor ng ng aming bayan.  Tumambay muna ko sa may labasan sa amin at nakikain ng isaw sa may tabi ng tindahan ng tinapay. Nakipagbolahan muna sa dalagang nagtitinda na panay ang pa cute sa bawat guwapong nadaan. Nakiusyoso sa mga papeleta ng mga kandidatong konsehal, bise mayor at mayor. Maya maya pa, bumaba din ng isang bus na humimpil sa kantong ito ang tatlong babaeng aking nakita kaninang umaga lang. Ganon pa din, parang hindi magkakasama sa eskwela. Walang puknat ang malalanding usapan tungkol sa kanilang pag ibig.

"Uy friend, may isaw o.. gusto n'yo hihihi" ang sambit ng isa, sabay sabay na napatingin sa akin habang kagat kagat ko ang isaw na nasa sitck pa.

"Iwwwww... excuse me friend, kayo na lang no.. hindi ko carry yan iwww" ang singkaran ng arteng sagot ng isa.

"Look at that guy, he is so cute pa naman hihihi" sabi pa ng isa sabay tilos ng nguso paturo sa akin. Nagtatawanan pa sila habang palayo.

Sa isip isip ko, ang laki talaga ng impluwensya ng ibang lahi sa atin.. maari naman mag-usap sa sariling salita, ano bang meron sa wikang iyon?.. bigla ko naalala ang pulubi kanina na kausap ko. Sinulyapan ko ang waiting shed sa kabilang kalsada. Hindi ako nagkamali, nandoon ang pulubing kanina pa umaga gala ng gala. Tumawid ako ng kalsada papunta sa kanya. Nanlilisik pa din ang tingin sa akin ng pulubi. Kumuha ako ng yosi sabay sindi. Hitit buga  sa loob ng shed na malapit sa pulubi.

"Bakit ka nandito?" tanong sa'kin ng pulubi

"Gusto lang kitang kamustahin, ikaw bakit nandito ka pa?"

"Ang sabi mo kanina bago ka umalis, na sana mabubuti na ang pamumuhay ko sa muli nating pagtatagpo, sa tingin mo ba mabuti na ang kalagayan ko?"

"Oo, iyon ang sabi ko, pero di ko matiis na hindi kita kamustahin kahit na ano pa ang kalagayan mo. Gusto kong baguhin ang sinusulat ko ngayon. Habang naguusap tayo, gusto kong magkaron ng pagbabago ng tungkol sa iyo kahit sa panulat lamang."

"Yan ang sabi mo kanina diba? Nandito tayo sa blog mo at ikaw ang gumagawa ng kuwento ko, ngayon magagawa mo bang baguhin ang kwento ko sa ganito kong kalagayan? Nakita mo naman siguro ang grupo ng mga tao sa kabilang kalsada. Naghahanda sila sa eleksyon. Panigurado, matatamis na pangako na naman ang maririnig ko. At kayo naman ang magpapaloko sa kanila. Yan ang hirap, kayo ang gumagawa ng kamalian at ako naman ang nagdurusa"

Natahimik ako sa sinabi ng pulubi, sapul sa aking kalooban ang sinabi. Ramdam ko ang paghihirap ng kanyan kalooban sa nangyayari sa kanya.

"Ang mabuti pa umalis ka na, ayaw kong nandito ka sa tabi ko habang ganito ang aking kalagayan. Paniguradong pulos negatibo ang makikita ng magbabasa ng ginagawa mong kwento ko. Bumalik ka na lamang kapag alam mo na ayos ang pamumuhay ko."

"Mabuti pa nga, pero teka bakit may nakataling tanikala sa iyong paa, sino ang may gawa n'yan sa iyo"?

"Tanga ka ba? akala ko ba kilala mo ako, kung kilala mo ako, alam mo dapat ang nangyayari sa kin diba? alam mo kung sino ang gumapos sa akin ng tanikalang ito at alam mo din kung ano ang tanikalang ito?"
 
"Ay s'ya, alam ko na. Sige, ingatan mo ang sarili mo"

"Mali ka, ingatan n'yo dapat ako para sa sarili n'yo at sana sa susunod na muling tayo ay magkausap, hindi na sana ako isang pulubi sa paningin mo."

"Teka, hindi ka naman pulubi sa paningin ko, bakit ko naman makikita iyon sa iyo? Nagmimistula ka lang pulubi dahil sa kalagayan mo. Nanlilimos ka ng tulong sa iyong mga kapit bahay gayong kayang kaya mo naman iahon ang sarili mo sa kalagayang iyan"

"Oo kaya ko nga pero hindi ko hawak ang aking sarili. Sige na, umalis ka na at hayaan mo na lang ako dito. Baka sakali na sa muli nating pagkikita eh may pagbabago na kahit papaano... sana"










LUHA

$
0
0



Isang kaharian ang nakatayo sa malayong lupalop ng mundo. Malawak ang lupaing nasasakupan, masagana ang ani ng bawat mamamayan dito. Malakas ang pwersa ng Hari at dahil na din sa kagitingan nito kaya naman marami na din silang nasakop na iba pang kaharian.

Hindi inaasahan, nagkaroon ng karamdaman ang hari. Mahiwaga ang karamdaman ng Hari. Ilang manggamot na din ang sumuri sa kanya subalit ni isa man ay walang makasagot kung ano ba talaga ang sakit ng Hari at ang gamot para dito. Hanggang sa isang albularyo ang dumating at naghatol na ang makakapagpagaling lang sa sakit ng hari ay ang awit ng ibong adarna. Hinuli ang ang albularyo at napagkamalang espiya sa kadahilanang ang awit ng ibong adarna ay ginamit na ng kanilang katunggaling kaharian.

Naratay ang Hari at hindi na makabangon. Isang matandang ermitanyo ang inimbitahan sa kaharian upang sumuri sa kalagayan ng Hari. Isang sumpa ang tinamo ng hari at ang tanging mkakalunas lang dito ay ang Luha mula sa Reyna ng kalaban nilang kaharian. Agad na bumuo ng hukbo ang anak ng hari upang lumusob sa kanilang katunggali at hulihin ang Reyna nito. Dahil sa malakas ang kanilang pwersa, hindi rin nagtagal at nasakop nila ang kaharian ng Reyna. Nagbunyi ang kaharian sapagkat alam nilang malapit na ang paggaling ng Hari.

Ang panganay na anak ng Hari ang unang humarap sa Reyna. Isang patak ng luha lang mula sa mga mata ng Reyna ay sapat na upang muling manumbalik ang kakisigan ng Hari subalit matigas ang Reyna, hindi umiiyak kahit anong gawin sa kanya. Iginapos ang reyna, sinaktan, sinampal para lamang mapaluha ito subalit talagang walang lumalabas na luha mula sa mga mata.

Hindi nagawa ng panganay na prinsipe na mapaluha ang Reyna kaya naman ang pangalawang anak ng Hari naman ang humarap dito. Umisip ng paraan kung paanong gagawin, naiisip nyang malambot ang puso ng Reyna kaya naman sinabi nya ditong papatayin lahat ng kanyang mamamayan at susunugin ang mga kabahayan ng kanyang nasasakupan. At dahil dito tumulo ang luha ng Reyna.

Dali daling ipinainom ang Luha sa hari. Dumilat ang kanyang mga mata, tumayo mula sa higaan at naglakad. Agad na nagbunyi ang kaharian, nagsaya ang mga kawal at ang nasasakupan sa muling paggaling ng Hari. Subalit isang araw lang ang lumipas, muling naratay ang Hari dahil sa pagbalik ng kanyang karamdaman. Dahil sa pangyayari, hinuli ng mga kawal ang ermitanyong sumuri dito at pinatay. Muling nanangis ang Reyna ng kalabang kaharian sa kanyan nalaman. Tunay ngang walang puso ang mga kawal dito.

Malungkot ang buong kaharian dahil sa muling pagkakaratay ng kanilang Hari. Wala na silang magagawa kaya iminungkahi ng lang ng bunsong anak ng Hari na palayaain na lang ang Reyna. Kasabay ng pagpapalaya dito ay ang muling pagbabalik ng lupain na kanilang sinakop. Humingi ng pamumanhin ang bunso sa Reyna na kanilang binihag at kaharian na kanilang sinakop. Nagawa lamang nila iyon dahil sa pagmamahal sa kanilang ama. Pero bago pa palayain ang Reyna, gumawa na ng unang hakbang ang bunsong anak ng hari upang muling manumbalik ang kaayusan at kabuhayan ng kaharian ng Reyna.

Sa loob ng maikling panahon na pagkakabihag ng Reyna, wala na siyang balita sa kanyang kaharian kaya ganon na lang ang kaniyang pag-aalala. Kaya sa araw ng kanyang paglaya, sinamahan siya ng tatlong prinsipe na anak ng hari sa kanyang pagbabalik sa kanyang kaharian. Ganon na lamang ang gulat ng Reyna sapagkat maayos at mistulang walang digmaang naganap sa kanyang kaharian. Bagkus mas lalo pang naging maayos ang mga lupain nito. Tuwang tuwa ang mga tao sa kanyang pagbabalik. Nagbunyi ang lahat ng mamamayan nito. Mainit ang pagtanggap ng mga tao sa pagbabalik ng kanilang Reyna.

Sabik na sabik na niyakap ng Reyna ang mga mamamayan ng kanyang kaharian. Umaapaw ang pagmamahal ng mga tao sa kanilang Reyna at nasaksihan ito ng tatlong prinsipe. Ganon pa man, walang bahid ng galit ang makikita mga mata ng tao para sa mga ito. Ipinangako ng tatlong prinsipe na tutulong ang kanilang kaharian para sa kaayusan at seguridad ng kahariang ito. Sa malayo, nakikita nila na masayang masaya ang Reyna. At nakita din nilang tumutulo ang luha nito. Gustuhin man nilang kunin ang luha subalit hindi na nila ginawa. Umalis na ang tatlong prinsipe upang umuwi na sa kanilang ama.

Malayo pa lamang, naririnig na nila ang ingay sa kanilang palasyo kaya ganon na lang ang kanilang pagmamadaling umuwi. Sa bungad pa lamang nakita nila ang pagsasaya ng mga tao at sa itaas ng palasyo nakita nila ang kanilang ama na nakangiti at kumakaway sa mga ito. Matikas ang Hari at parang hindi dinapuan ng mahiwagang karamdaman. Nagyakap ang magkakapatid at dun nila napatunayan na tama ang hatol ng ermitanyo.

Luha ng Reyna ang makakapagpagaling sa kanilang ama. Hindi luha ng kulungkutan at pighati kundi luha ng pagmamahal at kasiyahan.







IKAW

$
0
0




Matagal na panahon na din ng ikaw ay isilang. Nabuhay sa isipan ng bawat isa ang iyong kagandahan. Mapang-akit, sariwa, kagandahang hindi nasasaling ng sino man. Noon, nabubuhay kang simple, masagana ang lupa.. maraming ani. Matagal ding panahon ganito ang uri ng iyong pamumuhay, simple at tahimik. Hanggang sa may naligaw at sayo ay gumambala. Likas sa iyo ang pagiging magalang at masayahin, kasiyahan para sa iyo ang may bisitang dumating. Malugod mo siyang tinanggap sa iyong bakuran.

Tinanong nya ang iyong pangalan ngunit wala kang maisagot. Inosente ang iyong dating. Kaya naman sya ang nagbigay ng iyong pangalan. At dito ka muling isinilang. Kasabay ng bago mong pagsilang ay ang pagtanggap sa kultura at sistema ng iyong naging panauhin, at ang pagsilang din sa isipan ng nakararami ng iyong pananampalataya.

Nagkaron ka ng pagbabago, nagkaron ng pagunlad sa iyong nasasakupan. Pero hindi lahat ng iyong nasasakupan ay nadala nito. Hindi tanggap ng iba ang sistemang sayo ay dumating. Nanatili sa sariling paniniwala at simpleng buhay.

Dumating ang panahong nagmamamalabis ang iyong naging panauhin. Ang kanyang naging pagbisita ay naging pagsakop. At ito ay iyong nakikita. Gumawa ka ng paraan upang mapalayas ang naging bisita. Dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Sa bandang huli, nagtagumpay ka at nagkaron ng kalayaan. Subalit sa matagal na ding panahon pananatili ng dayuhan. Nahirapan kang tanggalin ang kanyang sistema dahil na din sa ito'y iyong nakasanayan.

Mahabang panahon pa ang sa iyo'y lumipas. Maunlad ang iyong kabuhayan, nasasaiyo ang kagandahang kinaiingitan ng iyong mga karatig. Malaya ang ibong lumilipad sa himpapawid. Umaawit.. sumisipol ang hangin. Bagama't may bakas pa ng mga dayuhan sa iyong lupain, mas pinili mo na lang na ito ay payabungin, pagyamanin at diniligan na parang punong ang nais mo ay mamulaklak at humitk ang bunga. Naging matagumpay ang pagsisikap at muli, kuminang na naman ang iyong kagandahan. Nangaakit ng mga matang hindi umaalis ang titig sa angkin mong kagandahan. Hanggang may muling bumisita sa iyong bakuran.

Nakakabigla ang pangyayari sa kadahilanang walang pagiimbot na kalapastanganan. Ang naging panauhin pala ay mga palalo at nagnanais an angkinin ang iyong yaman. Unti unti, nasasakop ang iyong mga lupain ng mga palalong dayuhan. Hindi mo ito pinabayaan, muling dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Marami na ang nabuwis ng buhay, marami na ang pasakit na iyong pinagdaanan sa pagtatangol sa iyong nasasakupan. Hirap, pagod, luha, dugo ang nadilig sa bawat lupaing pinagaabutan. Nananaig ang mananakop subalit ganunpaman nanantili kang nakatayo upang iyong ipaglaban ang karapatan. Hangang sa dumating ang tulong mula sa ibang bayan. Matagal ang naging laban, umabot sa puso ng sinomang nakasaksi. At sa huli, nanaig ang kabutihan.

Nagsimula kang muling bumangon. Sa tulong na din ng iyong tagapagtanggol, muli mong binuo ang nasirang pangarap ng iyong lupain. Nabuhay ang isang ugnayan sa pagitan ng nagtanggol sa iyo. Ninais nilang sa lupain mo sila ay manatili at iyo itong sinangayunan. 

Matagal  ng panahon na sila ay nasa iyong poder at nakikita ng marami ang impluwensya ng kanyang sistema. Naging ugat ng hidwaan ng isa't isa. Ang kanilang pananatili ay nagkakaron ng ibang layunin, na tulad din ng naunang dalawa na iyong naging panauhin. Dahil sa iyong naging mapait na karanasan kaya naman ang pagsiklab muli ng panibagong karahasan ay iyong napigilan. Nagkaron ng kasunduan at hindi nagtagal ikaw ay kanilang nilisan.

Kalayaan.. ang matagal ng inaasam. Iyong nakamit sa loob ng mahabang panahon. Marami ang nagbunyi, marami ang nagdiwang. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, iyo muli itong nakamtan.


Matagal ng panahon na ang nakalipas at lahat ng pangyayaring ito sa iyo ay iyong napagtagumpayang lampasan. Madami ang nagbago, iniukit ang lahat ng mga kasaysayan. Kasaysayan na sana ay dapat mong binabalikan. Takot ka bang masanggi muli ang pilat na dulot ng sugat ng nakaraan? Takot ka bang muli itong magdugo at magdulot ng panibagong sakit? Mali kung sakaling oo ang sagot mo, nararapat lang na itoy balikan at kunin ang aral subalit hindi ang pait na dulot nito sayo.

Tila nag iba ang ihip ng hangin sa iyong bakuran. Nawala ang sipol nito. Ang lipad ng mga ibon ay nasa iisang direksyon na lamang. Nagmamadali na tila may tinatakasan. Bakit ganon ang nangyari? Pagkatapos ng lahat ng iyong pakikipaglaban para sa iyong nasasakupan, sa karapatan ng mga itong mabuhay na malaya na matagumpay mong nakamit. Bakit mistula kang nakakulong sa kaguluhan. Nagkaron na hindi pagkakaunawaan sa iyong bakuran. Hindi pantay pantay na trato sa isa't isa ang iyong nasusumpungan. Eto ngayon at lumuluha ka para sa kanila, luha ng kalungkutan, luha ng pasakit, luha ng dalawang matang walang kapagurang nakatanaw sa kanilang kaligtasan.

Marami ang umaalis at silang nagiging dayuhan sa ibang lugar. Namumuhunan ng dugo at pawis para sa iyong kapakinabangan. Dahil hindi na nila makita ang sa'yo ay dapat na masumpungan. Kinakalangan pa bang sa kanilang pagbabalik ay dalhin sa iyo ang pagbabago? Bakit hindi naman subukan mong baguhin ang sarili mo para naman sa kanila.

Nakabibighani pa din ang iyong kagandahan. Hindi nawawaglit sa isipan ng mga dayuhan ang iyong kinang. Subalit ito ay sa kadiliman na lang..

Ikaw pa din ang hinahangaan ko. Hindi magbabago sapagkat ito ang nais ko. Ikaw ang dahilan kaya nandito ako. Sumusulat ako para sayo...







ALAB NG DAMDAMIN

$
0
0


Unti unting dumidilim ang paligid. Ang mga huni ng ibon na kanina lamang ay parang malumanay na himig na iyong naririnig, di naglalaon ay humihina at napapalitan ng huni ng kuliglig. Nanunuot ang kilabot na nararamdaman sa tuwing sasapit ang gabi sa kadahilanang hindi maiwasan ang paglalabasan ng mga MALIGNO na lumalapastangan sa iyong angking kagandahan. 


Mapait na karanasang nag-iwan ng pilat na muli’t muling nasasanggi at nanariwa sa iyong kamalayan.


Pumapaimbulog  ang kapangyarihan ng bawat titik sa mga salita na nakalimbag sa mayaman mong PANITIKAN.  Ito lamang ang pamamaraan upang maipabatid at maihatid sa bawat HINUHA ng mga mangmang ang asal na dapat na siyang nangingibabaw, ang dugong siyang dapat na manalaytay sa ugat ay tunay at hindi mapanlinlang.


Nais mo lamang na wasakin ang LARAWAN na palagiang nagpapasakit sa balintataw mong umaapaw ang luha. Larawang nagdudulot ng pighati at kumikintal sa pagal mong pag-iisip. Nag-aalab ang damdamin sa bawat pagsilay ng liwanag sa dakong silangan. Haharap sa GALUNGGONG na nakahain sa hapag na siyang ibinabagay sa iyo samantalang hindi naman nararapat. Umaasang sa pagsilip ng dapit hapon magakakaron ng pagbabagong magaganap.


Humuhuni ang mga KULISAP sa dako pa roon, nagpapahiwatig lamang na malapit na naman ang sandaling iyong kinakatakutan. Subalit manhid na ang iyong kalooban sa palagiang paglapastangan. Sumisidhi ang iyong pagnanais na katapusan. Katapusan ng pananakop ng mga halimaw ang asal. At ang pagbangon ng katawan mong matagal ng nakahilig at nakayuko sa tuyong damuhan na iyong tinatapakan. 


Umaapaw ang kaalaman. Nakarating sa mangmang na pag-iisip ang kapangyarihang nakalimbag. Kaalaman na siyang bumubuhay sa dugong nananalatay sa bawat ugat ng nakamalas. Ang kaalaman na hinding hindi matatagpuan saan mang sulok ng SILID-AKLATAN. Simula na ng pagpapalaya sa damdaming uhaw sa kasarinlan.


Matagal na paghihirap ang pumipigil sa bawat sandali. Maraming dugo ang nadilig sa lupang ipinaglaban. Hindi naglumaon at nanaig ang damdaming nag-aalab. May ngiti sa labing sumasalubong sa bukang liwayway at ganun din sa kanyang pamamaalam. Bumukas ang pinto ng KAGAWARAN na matagal nang nakapinid sa mga itinuturing na mangmang. Ang bawat pananim upang may maihain sa hapag, umaani ng karangalan at ng paggalang. Kaysarap damhin.


At tumitingala na ang mga karatig sa iyo. Isang kahangahangang SARANGGOLA na malayang lumilipad sa kalawakan. Kasama ang mga BAYANI na iyong kinalulugdan.  Sumasalubong sa malakas na hangin o bagyo pa man. Hindi tumitiklop, may kisig at yabang habang pinagmamasdan. At payapang muling lalapag sa luntiang DAMUHAN.











*suporta sa "bagsik ng panitik" ng DAMUHAN

SINUNGALING

$
0
0
May sikat pa ang araw ng hapong iyon ng mapansin kong muli sa Ka Isyong na naglalakad galing sa pulo. May nakasabit na itak sa kanyang baywang at may pasang sako na hindi ko alam ang laman. Pawisan sa suot na mantsahing kamiseta at buli na salakot.  Nakatambay lang ako sa harap ng tindahan ni Nanay, ugali ko na ito tuwing sasapit ang dapit hapon. Nagmamasid sa mga taong nagdadaan at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa may kalsada sa amin. Pagtapat ni Ka Isyong sa akin ay agad ko siyang binati. 


Banjo: Ka Isyong, dumaan muna kayo at ng makapagkape.

Ka Isyong: Aba, sadyang ako ay dadaan muna at ng makapagpahinga pero utoy wag ka nang magtimpla ng kape. Tubig na laang ay ayos na.


Agad akong kumuha ng tubig na galing sa tapayan na maiinom ni Ka Isyong . Aking iniabot sabay tungga niya na akala mo iyon na kahulihang tubig sa mundo.


Banjo: Baka malulon nyo ang baso Ka Isyong, tatlo na lamang iyan natitira dito sa amin. (Pabiro kong sinabi sa kanya, sanay na siya sa aking kalokohan tuwing ganitong kami ay nagkakahunta)

Ka Isyong: Ay kaluko mo talaga utoy hahaha. Salamat dito sa tubig.

Banjo: Eh Ka Isyong, anaki'y marami na naman kayong napalaban na langgam na itim sa pulo. Pagod na pagod kayo eh. Tinanggalan nyo na naman ng sungay ang mga langgam ano ho?

Ka Isyong: Utoy, isang pares lamang ang pinaglaban ko hahaha. Kaluko mo talaga ano hahaha.


Sa loob ng tindahan ni Nanay nakabukas ang TV. Nakatutok sa balita tungkol sa "impeachment" ng punong mahistrado. Dahil na din sa aming huntahan at lakas ng tawa naming dalawa ni Ka Isyong kaya naman nilakasan ng kaunti  ni Nanay ang "volume" ng TV. Dinig namin hanggang sa harap ng tindahan. Ang naging palusot ng depensa sa akusasyong ibinabato sa akusado. Napansin kong nakatingin si Ka Isyong. Sa aking isip, alam kong maraming karanasan at alam sa buhay itong si Ka Isyong. Nag isip ako ng maaring itanong sa kanya na kanyang mabibigyang liwanag sa akin.


Banjo: Eh Ka Isyong, matanong ko lang ho. Bakit ho ba may taong sinungaling? Bakit ho ba ang tao ay nagagawang magsinungaling?

Ka Isyong: Aba eh utoy, hindi ko alam hehehe. Biro lamang, eh sige sasagutin kita. May iba't ibang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang ibang tao. Hmmm pero ito ang aking nakikikta. Takot ang taong sinungaling, duwag sila utoy. Takot silang harapin ang maaring kahantungan ng kanilang ginawa. Gumawa sila ng pagkakamali pero ayaw nilang tanggapin ang responsibilidad para sa bagay na sila naman ang gumawa. Tinatakasan nila ang responsibilidad na iyon. Para makatakas eh nagsisinungaling sila. Oh diba karuwagan iyon ano utoy, walang itlog ang taong sinungaling. Kung meron man eh bugok naman hahaha.

Banjo: Ay oho nga, may punto kayo dyan.

Ka Isyong: Meron din naman sinungaling para lamang magpahamak ng iba. Ginagawan ng ikasisira ng isang tao ang isa pang tao kaya gumagawa ng kasinungalingan. Siguro utoy eh may galit sila sa taong iyon. O maari naman may inggit. Ibig sabihin lamang eh gusto nilang makapanlamang kaya sila nagsisinungaling. Sakit na nila iyan. Parang taliptip na sa balat na kahit na kasinglaki pa ng batya ang panghilod eh hindi na talaga maalis. hahaha.

Banjo: Hahaha,  yan ang gusto ko sa inyo Ka Isyong eh. Ang lawak ng pangunawa ninyo.  Kaya "idol" ko kayo eh. hahaha.

Ka Isyong: Kasinugaling nire hahaha. Pero Utoy, kung sakaling ikaw ay napapagbintangan sa bagay na hindi mo naman ginawa o di kaya eh biktima na kasinungalingan, dapat mong ipaglaban ang katotohan. Ipagsigawan mo sa harap ng mga nakakarinig na hindi ikaw ang gumawa niyon, kahit pa sa paanong tamang paraan eh ipamukha mo sa kanila na mali ang kanilang hinala sayo. Hindi dapat uminit ang ulo mo para makapag-isip ka ng iyong gagawin. At utoy, wag na wag mo ding gagawin ang kasungalingang iyan tulad ng kanilang ginawa sayo. At kung ikaw naman ay mangangako at hindi mo kayang tuparin, para mo na ding inamin na isa ka ngang sinungaling.

Banjo: Bakit naman ho? Syempre agrabyado ako kaya dapat akong gumanti. Suntukin ko na lang kaya o sipain sa mukha. Di po ba, yan ang dapat mapala ng taong sinungaling.

Ka Isyong: Utoy, ang taong sinungaling ay taong walang bait sa sarili. Kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Kailangan muna nilang kumbinsihin ang sarili nila na tama ang kanilang ganiwa kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw na katarantaduhan  naman ito. Pilitin nilang paniwalaan ang kanilang mga sarili. Eh di bat kabaliwan iyon hahaha. Kung sisipain mo sa mukha utoy, para mo na ring inamin na  wala kang kwenta sapagkat ang taong sinungaling ay nakakaawa at talagang walang kwenta.

Banjo: Tama kayo Ka Isyong. Meron na naman akong natutuhan sa inyo eh. Kagaling ah.


Tumingin si Ka Isyong sa TV.Tapos na ang magandang balilta ng kasinungalingan.  Nilipat na ni Nanay sa ibang istasyon kung saan nagsasabunutan ang dalawang babae at nagpapalitan ng matatamis na salita sa isa't isa habang inaawat na mga maskuladong lalake. Ang host ng programa ay nasa gitna at napapasigaw sa silyang lumilipad sa harapan.  Napailing na lang si Ka Isyong tagpong iyon ng programa.


Ka Isyong: Hala Utoy, tapos na pala ang balita. Baka hanapin na naman ako ng Ka Sayong mo. Pihadong ako'y mabubungangaan na naman noon kapag dinidilim ako sa pulo.


Banjo: Sa huntahan ho kayo inabot ng dilim Ka Isyong hehehe. Sumabit na naman ang inyong nguso eh.

Ka Isyong: Kailangan pa bang malaman nya iyon. E di lalong nagarmalayt ang bibig non. Paminsan minsan utoy, kailangan nating maging bulaan hehehe.


Nakatingin ako kay Ka Isyong habang siya ay palayo. Mariing iniisip ang kanyang mga sinabi. Kung sakaling ako nga ay biktima ng isang kasinungalingan, hindi na ako mag hihintay ng “due time”. Hindi ako magiging duwag upang humarap sa katotohan. Tulad ng sabi ni Ka Isyong, patutunayan kong ang itlog ko ay tunay at hindi bugok lamang.




LURAY LURAY NA GANDA

$
0
0
---> Sino ka? Anong lugar ito? Bakit ako nandito? Anong...? Anong nangyayari?


<-- Oh teka lang. Isa isa lang ang tanong? Mahina ang kalaban. Hinga ka muna ng malalim. Ipahinga mo muna ang iyong isip. Marami kang dapat na maintindihan. Ilibot mo ang iyong paningin sa kapaligiran.
<-- Ano? Maganda diba? May pagkakasundo ang bawat tao. Nagdadamayan sa gawain. Malinis ang paligid. Maaliwalas ang daloy ng tubig sa ilog. Kay sarap maligo. Simpleng simple ang buhay ng tao. Walang mabigat na krimen na nangyayari.Walang cellphone. Walang internet. Walang dayaan ng boto kaya hindi nananakaw ang kaban ng bayan. Walang pork barrel.


---> Nananaginip yata ako. Wag mo muna kong gisingin. Gusto kong namnamin ang sariwang hangin. At oo, ang ganda ng lugar na ito. Kasing ganda ng babaeng kaharap ko. Nakabibighaning ganda mo.


<-- Yan ang gusto ko sa'yo. Ang tamis mong magsalita. Para kang pulitiko. Bulaan.


---> Kung maka pulitiko ka naman.


<-- Tama naman diba?


---> Kung sabagay. Pero hindi naman lahat  eh bulaan.


<-- Ha ha ha...


---> Nakakatawa ba ang aking sinabi? Oo nga pala. Nakakatawa nga. Pero nakakaiyamot din naman.


<-- Hahaha...
<-- Naakit ka sa aking ganda, ito ang tunay na ako pero matagal na panahon na iyon. Mabighani ka pa kaya sa akin kung sakaling makita mo ang itsura ko sa kasalukuyan? Sige, ipapakita ko sayo ang aking anyo na iyong pinagsamantalahan.


---> Totoong anyo? Pinagsamatalahan kita? Kasalukuyan? Ibig sabihin nagkukunwari ka lamang? Teka hindi ko maintidihan. Anong sinasabi mo?


 <-- Para malinawan ka. Masdan mo ngayon ang iyong paligid. Naghihilahan ang bawat tao pababa. Tambak ang basura sa paligid. Makakaligo ka pa kaya sa mistulang kanal na ilog na iyon? Modernong moderno ang buhay ng tao, pero kahirapan ang iyong makikita.  May nagbubuwis ng buhay dahil sa cellphone. Laganap ang korapsyon. Nabubusog ang mga buwaya sa pork barel na yan. May pag-asa pa kaya sa mga batang iyon sa tambakan ng basura?


---> Lahat yan ako ang may gawa?  Ako ang nagsamantala?


<-- Walang iba. Sinadya man  o hindi.  Ngayon humarap ka sa akin.


---> Teka, bakit ganyan ang itsura mo?


<-- Malayong malayo sa nakabibighaning babae na kausap mo kanina. Ang magandang babae at ang lugar na iyong namalas kanina ay iisa lamang. Ito ang aking anyo sa kasalukuyan, luray luray ang damit at larawan ng isang ina na pingasamantalahan ng kanyang mga anak. Kung hindi ka titigil sa kalapastanganan at patuloy mo pa din akong hahalayin, isipin mo nga kung ano pa ang aking magiging anyo sa hinaharap.


---> ......???


<-- Naiintidihan mo ba? Isipin mo nga?


...




KM3: Tinig (Pagniniig, Ningas at Pagsilang)

$
0
0



“Ohhhh  mahal ko,sabik na sabik na ako.”


“Damhin mo ang init ng aking pagmamahal mahal ko.”


“Ohhhh...”


“Ihatid mo ako sa rurok ng kaligayahan”


“ahhhhh…”




Mga pigil  na tinig at matatamis na ungol at daing ang nagpagising sa aking natutulog na isipan noong gabing yaon. Ang pagniniig na iyon noong gabi, pagkatapos ay katahimikan. Hindi libog ang aking naramdaman, subalit sabik akong nakinig sa kanilang pagtatalik. Nararamdaman kong may namumuong mainit na damdamin sa aking katauhan. Ito na ang simula. 

Matagal ding namahay sa akin ang kadiliman ng gabi, sa pagsapit naman ng araw ay ang pag-ulan. At tulad ng pagbubukang-liwayway, ang dilim, ang lamig at ang katahimikan ang bumubuo sa aking kamalayan. Nais kong may makinig sa akin, iyong ako ay mauunawaan. Subalit walang tinig na lumalabas sa aking bibig. Tanging palahaw lamang at hikbi ang naririnig sa akin sapagkat  makapangyarihan ang tinig na syang nangingibabaw. Tinig na huwad at namumutawi sa bibig ng iisa lamang. Ito ang tinig na gumagapos ng aking mga kamay at pilit ikinikintal sa aking isipan. 

Nabuo ang sanggol sa sinapupunan ng ina. Hindi ko pa  masasabing naging tagumpay ang libog ng pagniniig na iyon. Mahabang panahon pa ng pagbubuntis ang kailangang tiisin at pangalagaan. Alam ko, magiging piping saksi ako hirap ng pagdadalantao. May mga panganib na maaring humadlang sa pagsilang ng sanggol na matagal ko ng hinihintay. Gusto kong masaksihan ang katapusan at kamatayan ng delubyong aking kalagayan at ang panibagong simula upang ako ay makapagsalita at maunawaan.

Ilang dahon pa ang nalagas sa matandang punong iyon, dahon  ng pighati at kasakiman  na iinihahampas ng hangin sa aking katauhan.

 At sumapit ang araw ng pagsilang. Marubdob ang damdaming nag-aalab sa simula pa lamang ng pagniniig.  Matinding unos man ang humadlang at nagtangkang kitilin ang apoy subalit patuloy lamang ito sa pagningas.  Umapaw ang luha ng mga nakasaksi sa pagluluwal ng pagbabago. Luha ng masidhing kaligayahan ang aking namalas. 

Demokrasya, ito ang aking tinig. Mula sa maalab na pagniniig, nagningas hanggang sa masalimuot na pagsilang. Tinig na nagbubuklod  para sa malayang kamalayan ng bawat isa. Tinig ng bayan na nasa ating kapakinabangan.








HALIGI

$
0
0




May paparating na bagyo ayon sa balita na narinig ko sa transistor radio na nakapatong mesa. Malakas di umano at binabalaan ang lahat na maghanda para sa pananalanta nito. Paparating ang bagyo dalawang araw mula ngayon. Agad tinapos ni Tatay ang pag-inom ng kape at lumabas ng aming kubo. Pinagmasdan ko ang ginagawa ni Tatay. Sinusuri nya ang bawat bahagi ng aming bahay kubo na iyon mula sahig, haligi, dinging na kawayan, hanggang sa bubong na pawid na pinatungan lang ng segunda manong yero. Si inay naman ay nagwawalis ng paligid.

Pinagmasdan ko ang paligid at muli, nakita ko na naman ang naglalakihan at naggagandahang bahay sa di kalayuan sa amin. Nakatirik kasi ang aming kubo malapit sa isang sabdibisyon sa aming probinsya. Sa aking sarili, naisip ko na napakaswerte ng mga nakatira sa ganong bahay. Hindi nangangamba sa unos na dumarating.

"Oh anak, anong tinutunganga mo diyan? Si tatay pala na hindi ko namalayan na lumapit sa akin.

"Tay, may bagyo na naman kasi, naisip ko lang na swerte ang mga nakatira sa bahay na yon kasi hindi na sila mangangamba sa paparating na bagyo."

"Bakit anak? kinakabahan ka ba na baka magiba ang bahay natin?" may ngiti na tanong ni Tatay sa akin.

"Tay, malakas ang bagyo ayon sa balita, kinakabahan po ako"

"Anak, wag kang kabahan ilang unos na din ang ating pinagdaanan at kelan man hindi bumigay ang ating bahay, magtiwala ka sa Tatay mo anak" Si Nanay pala na nasa likod na namin. .


Isang gabi ng biglang bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Ito na ang bagyong ibinalita sa radyo. Pinagmasdan ko ang kandila sa gitna ng aming mesa na isinasayaw ng hangin. Sa mumunting liwanag, nakita ko ang aking mga magulang na nakatingin din sa akin, nakangiti na tila sinasabing wag akong mangamba sa mangyayari. Ni hindi ko nabanaagan sa kanila ang pagkabahala. Subalit ramdam kong malapit ng magiba ang aming bahay.

Maaliwalas na ang panahon ng ako ay magising kinabukasan. Agad akong lumabas ng bahay pinagmasdan ang paligid. Halos manlumo ako sa aking nakita, malaki ang pinsalang dulot ng bagyong nagdaan. Maraming bahay ang mga nasira. Maraming puno ang nabuwal. Maraming pananim ang nasalanta. Si tatay, abala sa pagkukumpuni ng bahagi ng aming bahay na nasira.

"Pagmasdan mong mabuti ang iyong Tatay anak. Tulad ng bahay natin, gaano man kalakas ang unos na dumating, hindi sumusuko, hindi natitinag at bagamat nasisira sa lakas ng hangin nanatili pa rin itong nakatayo para sa kaligtasan natin. Yan ang tatay mo anak" Si nanay na hindi ko na naman namalayan na nasa aking tabi na pala.

Tumingin muli ako sa aking paligid at natanaw ko na naman ang mga kabahayan sa sabdibisyon na iyon at napa isip ako ng malalim. Tumingin ako kay nanay na nakamasid sa akin. At si tatay, papalapit sa amin, pawisan man subalit hindi mababakas sa mukha ang pagod, nakangiti s’ya na sa amin ay nakatingin.







Viewing all 25 articles
Browse latest View live